ELECTRIFICATION NG MARCOS ADMIN AT NEA SA MGA LIBLIB NA LUGAR SA BANSA

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG makabuluhang hakbang ang ikinasa ng National Electrification Administration (NEA) na pinamumunuan ni Administrator Antonio Mariano Almeda, sa pagtuon ng kanilang P3.6-bilyong pondo para sa rural electrification tungo sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).

Sa matagal nang pagkakait ng kuryente sa mga liblib na komunidad, ito ay tila liwanag na sumisilip sa dulo ng matagal na dilim.

Pinakamalaking bahagi ng pondo, na aabot sa P2.5-bilyon o 68 porsyento, ay ilalaan sa Mindanao, isang rehiyong matagal nang nangangarap ng pantay na serbisyo mula sa pamahalaan.

Dito ay mabebenepisyuhan ang mga lalawigan gaya ng Zamboanga del Norte at Sur, Lanao del Norte, Bukidnon, at maging ang rehiyon ng Bangsamoro. Ang ganitong pagtutok ay hindi lamang teknikal na serbisyo kundi hakbangin ng pagkilala at pagkalinga.

Hindi rin kinaligtaan ang Luzon na may P701.2-milyon at ang Visayas na may P462.6-milyong alokasyon.

Sa kabuuan, malinaw na ang NEA at ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagsisikap na iangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga nasa laylayan sa pamamagitan ng de-kalidad at makatarungang power service.

Bukod sa pisikal na koneksyon ng kuryente, dala ng mga programang tulad ng Sitio Electrification Program, Barangay Line Enhancement Program, at Solar Photovoltaic Mainstreaming Program, ang pag-asa para sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayang hindi posible sa kawalan ng ilaw.

Ang solar power na planong ipamahagi sa mahigit 50,000 kabahayan ay tunay na isang gamechanger sa mga liblib na lugar.

Sinasabing bagama’t hamon pa rin ang kakulangan sa imprastraktura, hindi sumusuko ang NEA.

Sa katunayan, naipamahagi na nila ang mahigit 26,000 solar home systems sa tulong ng electric cooperatives sa buong bansa. Ito’y patunay ng konkretong aksyon, hindi lamang pangakong naiiwan sa papel.

Ang panawagan ngayon ay para sa patuloy na suporta, masusing implementasyon, at maayos na paggamit ng pondo. Kung magtatagumpay ang inisyatibong ito, hindi lang elektrisidad ang hatid ng Marcos admin sa mga GIDA kundi pag-asa, dignidad, at pantay na pagtingin mula sa pamahalaan.

Sabi nga, ang liwanag ay hindi na lamang simbolo, kundi isang reyalidad para sa mga Pilipinong matagal nang nananabik dito.

Mabuhay ang Pamahalaang Marcos at ang NEA!

9

Related posts

Leave a Comment