ELEKSYON Magpapaloko na naman tayo?

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

MARAMI nang pambansang eleksyon ang naganap sa ating bansa at paulit-ulit lang na ginagasgas ng mga kandidato ang matatamis na mga pangakong ito: iaahon ang mga Pilipino sa kahirapan; pauunlarin ang bansa; magkakaroon ng trabaho ang mga wala; sasagana sa pagkain ang lahat; mumura ang presyo ng mga bilihin; magkakaroon ng kapayapaan at kapanatagan sa buong bansa, etsetera at etsetera pa.

Sa kabuuan, gagawing isang parang paraiso ang bansa ni Juan de la Cruz sa mga binabalak nila.

Pero pagkalipas ng maraming halalan sa presidente, bise-presidente, senador at kongresista at nagpabalik-balik na sa Malakanyang ang mga partido pulitikal kabilang ang mga luma at bago – BAKIT ganito ang kalalagayan natin?

Sa halip na umunlad ang ating bansa ay lalong umuurong. Sa halip na magkaroon ng mga trabaho ang mga wala ay lalong dumami ang mga istambay? Lalo ring dumarami ang mga batalyon ng OFW na nagtitiis magpaalipin sa dayuhan at mapalayo sa pamilya upang may perang panggastos sa basehang pangangailangan ang mga iniwang mahal sa buhay?

Sa halip na maging mapayapa ang apat na sulok ng Pilipinas ay bakit lalong lumalaganap ang kriminalidad na nakaugat sa kahirapan? At ngayon ay lalo pang gumugulo ang bansa dahil sa tumitinding bangayan sa pulitika.

Sa halip na maging masagana ang buhay ng mga Pinoy ay lalong lumulubog sila sa hirap at kasabay namang sumisigla ang benta ng “payless noodles” dahil ito lang ang kaya ng bulsa para pantawid gutom ng mga kumakalam ang sikmura?

Ilang araw na lang at halalan na naman. Magpapaloko na naman tayo?

##########

Kapag ang isang kandidato sa inyong lugar ay palaging namumudmod ng pera – hindi siya mabait na tao. Siya ay tusong politiko na namumuhunan o nangangapital sa isang sugal. Sa kanyang pagkukunwari, sinasamantala niya ang kahirapan ng mamamayan. Ang resulta – ang tingin sa kanya ng mga tumanggap ng pera – ay isa siyang anghel na isinugo ng langit. Ang hindi mahagip ng isip ng marami, siya ang isa sa ugat ng lumalaganap na pagdarahop ng taong-bayan.

Dahil kapag siya ang nanalo, ang una niyang gagawin sa kanyang kapangyarihan ay ang magnakaw sa kaban ng bayan para makabawi sa kanyang puhunan o ginastos noong panahon na binobola niya ang mga botante. Kung may tuparin man siya sa kanyang mga pangakong pagpapatayo ng kung ano-anong imprastraktura, ang pangunahing motibo niya ay hindi ang kapakanan ng mamamayan. Ang tanging nasa isipan niya ay ang kick-back niya sa proyekto.

Kaya sa susunod, kapag may nagbigay sa iyo ng pera para iboto ang kandidato o kaya naman ay nagyayabang na nagpagawa siya ng proyekto sa lugar, alam na ninyo ang dapat isipin. Isa itong porma ng “vote buying”. At ang kapalit – magnanakaw siya kapag nanalo sa halalan. Pero tanggapin pa rin ninyo ang pera. Ngunit huwag siyang iboboto. Utakan ngayon ang labanan.

Huwag tayong magpapatuso sa darating na halalan. Maging matalino tayo sa pagboto. Piliin ang matatapat at nararapat sa posisyon.

Huwag nating ihalal ang mga kandidato lalo na sa labanang senador kapag may record ng panderekwat at minsang nakulong na rin dahil sa pagnanakaw sa gobyerno. Iwaksi rin natin ang mga komedyante at artistang walang alam sa trabaho ng isang senador, gayundin ang mga nagmula sa iisang pamilya. 24 lang ang senador ng bansa kaya huwag nating pahintulutang mamonopolisa ito ng iilang angkan. Isa na itong malaking katangahan ng lahing Pilipino.

##########

Ngayong panahon ng kampanyahan, garapal ang kabastusan ng ilang kandidato at walang pakundangang mang-insulto sa mamamayan.

Sa talumpati ng isang tumatakbong kongresista ay nagpahayag siya na puwedeng sumiping sa kanya ang mga walang asawang babae, basta’t nireregla pa, na parang nang-iimbita na humanay at kanyang paliligayahin. Ano ang palagay niya sa mga walang asawang babae…maglalaway sa kanya? At ano rin ang tingin niya sa kanyang sarili – si Adonis?

Isa itong lantarang pagyurak sa dangal ng mga kababaihan, may asawa man o wala. At tulad nang inaasahan, umani siya ng kaliwa’t kanang batikos sa kanyang sinabi kahit isa lang itong pagbibiro.

Nararapat lang na kastiguhin siya ng Comelec dahil isa itong paglabag sa alituntunin ng kampanyahan. Higit sa lahat, isa itong maliwanag na pambabastos sa mga kababaihan.

At isa pa itong re-eleksyonistang gobernador sa Mindanao na nagpahayag na ang dapat na maging hospital nurse ay magagandang babae lamang at bawal ang pangit. Dahil kapag pangit daw ang nurse ay lalong lalala ang karamdaman ng sinomang lalaking may sakit.

Tingnan mo naman ang pagmumukha ng politiko at tiyak na sasabihin mong parang niyuping lata ang askad ng kanyang pigura at mas maganda pang lalaki si Charles Bronson.

Tama lang ang ginawang aksyon ng Comelec na hingan ng paliwanag ang mga kandidatong ganito at kung maaari nga ay tanggalin sila sa listahan ng mga aspirante upang hindi pamarisan.

Huwag iboto ang kongresistang samlang ang bibig at ang gobernador na alaskador!

Babala sa mga kandidato: Kung magpapatawa kayo sa inyong pangangampanya ay masusi munang pag-aralan ang iskrip at baka sa halip na umani kayo ng mga pagtawa ay mababawasan pa kayo ng boto.

 

41

Related posts

Leave a Comment