NAKIISA rin si Senador JV Ejercito sa mga mambabatas na nag-endorso sa kandidatura ni dating senador Bam Aquino bilang Senador para sa halalan sa Mayo.
Sa kanyang video message sa Facebook, todo ang puri ni Ejercito kay Aquino na inilarawan niyang masipag at may dedikasyon sa trabaho. Patunay anya rito ang maraming batas na pinakikinabangan ng maraming Pilipino, kabilang na ang batas ng libreng kolehiyo.
“Dahil sa sipag niya ngayon, libre na ang kolehiyo sa Pilipinas,” ani Ejercito, na nakatrabaho si Aquino sa Senado mula 2013 hanggang 2019 at tumayo rin bilang co-author ng batas ng libreng kolehiyo at Sangguniang Kabataan Reform Law.
Binigyang-diin ni Ejercito na isusulong ni Aquino ang mas malawak na libreng kolehiyo at siguradong trabaho kapag nakabalik ito sa Senado.
“Kaya pakiusap ko po, ibalik natin si Bam sa Senado, ang Senador na magsusulong ng mas malawak na libreng kolehiyo at siguradong trabaho.
Senator Bam Aquino, No. 5 sa balota!” ani Ejercito. Bukod kay Ejercito, una nang inendorso nina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Sen. Win Gatchalian ang kandidatura ni Aquino bilang senador sa Mayo.
Nakuha rin ni Aquino ang suporta ni Dr. Willie Ong.
