TININTAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kautusan na nagbibigay ng pahintulot sa Food and Drug Administration na payagan ang emergency use ng COVID-19 vaccines at treatments.
Nakasaad sa Executive Order No. 121 na pinahihintulutan si FDA Director General Eric Domingo na maglabas ng Emergency Use Authorization (EUA) sa drug at vaccine makers.
At dahil sa bagong pinirmahang kautusan, ang bakuna ay puwedeng maaprubahan para magamit sa loob ng isang buwan sa halip na sasailalim pa sa usual six-month review period.
Nauna nang siniguro ni Domingo sa publiko na hindi makokompromiso ang sped-up process.
Sinabi nito na nagtutulungan na ang FDA at Department of Health sa pagpapalakas sa government’s vaccine monitoring efforts upang madaling makita ang posibleng adverse effects, makaraan ang inoculation ng bakuna.
Samantala, inanunsyo ng Malakanyang na hindi lamang Pfizer ang mayroon nang Emergency Utilization Authorization lalo’t ikakasa na ang umano’y kauna-unahang mass vaccination na gagawin sa United Kingdom.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, may dalawa pang gamot laban sa COVID-19 galing ng China ang nabigyan na rin ng Emergency Use Authorization.
Ayon kay Sec. Roque, ito ay ang Sinovac at Sinopharm na maaari nang angkatin ng pamahalaan at maging available sa merkado, 21 araw lamang matapos na ito ay dumaan sa ating Food and Drug Administration.
Ani Sec. Roque, basta’t rehistrado na sa FDA ng bansa kung saan galing ang isang covid vaccine na aangkatin ng Pilipinas ay mabibili na ito sa mga botika ng hindi lalampas ng 21 days. (CHRISTIAN DALE)
