“Emman Act” isinulong sa Kamara 6 BUWANG KULONG SA ONLINE BULLIES

PAHIHIMASIN ng rehas na bakal at pagmumultahin ng malaking halaga ang mga online bullies sakaling maipasa ang isang panukalang batas na inihain ni Bacolod City Rep. Albee Benitez sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ipinahayag ni Benitez kahapon ang paghahain ng House Bill (HB) 5750 o “Emman Act,” na ipinangalan kay Emmanuelle ‘Emman’ Atienza, anak ng TV personality na si Kim Atienza, na naging biktima ng online bullying sa kabila ng kanyang pinagdadaanan sa mental health.

“I believe in free speech, and I believe that social media is a powerful platform—one that has given everyone a bullhorn to share ideas, express opinions, and hold those in power accountable,” paliwanag ni Benitez.

Gayunman, binigyang-diin ng mambabatas na sa mga nagdaang taon, ginagamit ng ilan ang kalayaan sa pagpapahayag upang mang-harass, magbanta, at magpalaganap ng kasinungalingan na nag-uudyok ng galit laban sa kanilang mga biktima.

Ayon kay Benitez, panahon na upang magkaroon ng batas na magpaparusa at magtuturo ng leksyon sa mga cyber bullies upang maging responsable sa paggamit ng social media, lalo’t dumarami na ang mga tulad ni Emman na binubully online.

Sa ilalim ng panukala, ang sinumang manlait, mang-insulto, manira ng puri, o gawing katatawanan ang kanilang biktima sa social media ay maaaring makulong ng hanggang isang buwan o pagmultahin ng ₱20,000 hanggang ₱50,000.

Samantala, ang mga nagpapakalat ng kasinungalingan o nangha-harass na nagdudulot ng emotional distress sa kanilang biktima ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan at pagmultahin ng ₱50,000 hanggang ₱200,000.

Kapag opisyal o empleyado ng gobyerno ang lalabag, maaaring patawan ng hanggang anim na buwang pagkakakulong at multang mula ₱500,000 hanggang ₱1 milyon.

(BERNARD TAGUINOD)

73

Related posts

Leave a Comment