SUPER TYPHOON NAKAAMBA KASUNOD NG BAGYONG TINO

PINANGANGAMBAHAN ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang bagyong posibleng maging super typhoon na tatama sa bansa bago matapos ang linggo kasabay ng paglabas ng Tropical Storm Tino sa Philippine Area of Responsibility (PAR) na sinasabing nag-iwan ng tatlong patay at anim na nawawala.

Ayon sa PAGASA, isang low pressure area ang binabantayan ngayon sa labas ng PAR na lumakas na bilang tropical depression at posibleng tuluyang maging super typhoon habang dumaraan sa karagatan. Inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility sa weekend, at magdadala ng matinding ulan at malakas na hangin.

Samantala, kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) na tatlo na ang kumpirmadong patay dahil sa pananalasa ni Bagyong Tino, na nagdulot ng malawakang pagbaha, brownout, at sapilitang paglikas sa mga residente ng Visayas at Mindanao.

Ayon kay OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, isa ang kumpirmadong nasawi sa Southern Leyte, habang dalawang insidente ng pagkalunod sa Bohol at Mindanao ang kasalukuyang bineberipika.

Sa Cebu City, iniulat ni Mayor Nestor Archival na anim katao mula sa isang pamilya sa Barangay Bacayan ang nawawala matapos tangayin ng baha. Tanging ang padre de pamilya lamang ang nakaligtas.

Isa ring nasawi sa Bohol ang kinumpirma ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO). Ayon kay Anthony Damalerio, PDRRMO chief, isang 52-anyos na barangay tanod sa Panglao ang nasawi matapos mabagsakan ng puno ng niyog habang pinuputol ito.

“Dead on arrival siya sa Gov. Celestino Gallares Medical Center,” ayon kay Damalerio.

Dalawang beses nag-landfall si Tropical Storm Tino (Kalmaegi) sa Visayas nitong Martes, kung saan walo ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 4, ayon sa PAGASA.

Tinatayang 60,000 katao ang apektado ng bagyo, habang 76,000 residente ang nailikas bago ang pananalasa ni Tino. Sa ngayon, 40,000 evacuees ang nananatili sa mahigit 360 evacuation centers sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

(JESSE RUIZ)

128

Related posts

Leave a Comment