EMPLOYER NG NAMATAY NA OFW SAUDI, PINAKAKASUHAN

IGINIIT ni Senador Raffy Tulfo sa gobyerno na sampahan ng kasong kriminal ang Gulf Synergy Employment Inc. at mga empleyado nito na responsable sa pagkamatay ng Filipino domestic helper na si Jovelyn Tang Andres.

Ayon kay Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, pumalpak ang Gulf Synergy sa tungkulin nitong subaybayan at tiyakin ang kaligtasan ni Andres, na nakaranas ng pang-aabuso sa Saudi Arabia bago namatay.

“Mayroong nabuwis na buhay dahil sa Gulf Synergy Employment, Inc. Hindi lang suspensyon, kailangan masampahan din ng kasong kriminal ang mga taong naging dahilan ng pagkamatay ng isang OFW dahil sa kanilang kapabayaan,” diin ni Tulfo.

“Bagamat inamin ng Gulf Synergy ang kanilang pagkakamali at humingi ng pasensya, hindi na nito maibabalik ang buhay ni Jovelyn. Panahon na para managot ang mga pabayang ahensya,” dagdag ng senador.

Una nang kinastigo ni Tulfo si Gulf Synergy President Arnulfo Babiera at hiniling ang paliwanag kung bakit nagpabaya sila sa tungkulin na i-monitor ang kalagayan ni Andres.
Sinabi ni Babiera na hindi niya alam ang sitwasyon ni Andres bago ito namatay, ngunit inamin niya na talagang nabigo silang i-monitor ang kanyang sitwasyon dahil hindi umano rumeresponde sa kanilang mensahe ang foreign recruitment agency.

Pumunta si Andres sa Saudi Arabia matapos ma-recruit mula sa Saranggani ng isang nagngangalang Emma Fernandez, na ahente ng Manabe Aleklas Recruitment Agency, ang counterpart ng Gulf Synergy sa Saudi.

Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Toots Ople na mayroon nang malinaw na paglabag sa batas patungkol sa recruitment ni Andres dahil ang isang foreign recruitment agency tulad ni Manabe ay hindi pwedeng direktang mag-recruit ng mga manggagawa mula sa Pilipinas.

Nabatid na nalaman lang ng amo ni Andres ang pagbubuntis niya noong nasa Saudi na siya, dahilan para ibalik siya sa Manabe.

Sa halip na tulungan siya ng mga taga-Manabe, hinaluan umano ng gamot ang kanyang pagkain at inumin para ipalaglag ang sanggol nang walang pahintulot.
Ibinenta pa ng Manabe si Andres sa tatlong magkaibang amo sa kabila ng kanyang pakiusap na bumalik na lang sa Pilipinas. (DANG SAMSON-GARCIA)

157

Related posts

Leave a Comment