Employment apektado sa mabagal na vaccine rollout JOBLESS PINOY 4 MILYON PA

UMAKYAT sa halos apat na milyong Filipino adult ang walang trabaho na kumakatawan sa 8.7 percent ng labor force sa unang buwan ng 2021, ayon sa inilabas na pag-aaral ng Philippine Statistics Authority kahapon.

Mas mataas ito kumpara sa naitalang joblessness rate na 5.3 ng kapareho ring buwan nuong nakalipas na taon na tinatayang aabot 2.39 million Filipinos ang walang kayod bago pa maranasan ang epekto ng coronavirus pandemic.

Sa datos ng PSA, umakyat sa 4 million noong Enero 2021 ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.

Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, kumakatawan ito sa 8.7 percent ng labor force ng bansa.

Ang bagong tala ay mas mataas ng 1.6 million kumpara sa 2.39 million unemployed na indibidwal na naitala noong Enero 2020 at bahagya ring mas mataas kumpara sa 3.8 million na naitala naman sa survey na isinagawa noong Oktubre ng nakaraang taon.

Samantala, nananatili sa 91.3 percent ang employment rate noong Enero 2021 o katumbas ng 41.2 million na Pinoy na may trabaho.

Bahagyang mas mataas ito sa 39.8 million employed na naitala noong Oktubre.

Para sa taong 2020, ang average jobless rate ay umaabot sa 10.4 percent, or 4.5 million adult Filipinos, pinakamataas na bilang simula 2005. Habang ang underemployment rate para sa Enero ay nanatiling nasa 16 porsyento.

Hindi naman ikinagulat sa mababang kapulungan ng Kongreso ang paglobo ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho na isang indikasyon na hindi pa nakakawala ang bansa sa pandemya sa COVID-19.

Gayunpaman, hindi inabsuwelto ni House committee on ways and means chairman Rep. Joey Salceda ang gobyerno sa patuloy na paglobo ng Pinoy na nawawalan ng trabaho.

Tatlong bagay aniya ang dahilan, una, hindi na nagpautang ang mga bangko at sa halip ay ginamit na lamang ng mga ito ang kanilang pondo sa trading operations.

“Second, the Executive Branch did not release the Bayanihan 2 equity infusion for government financial institutions in a timely fashion,” ani Salceda.

Isinisi rin ito ng mambabatas sa mahigpit na panuntunan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa pagpapautang sa kabila ng kanilang tinatawag na “expansionary monetary policy”.

Maliban dito, hindi umano agad pumasok sa bidding ang gobyerno para mabili ang mga kailangang bakuna laban sa COVID-19.

“Quick vaccine rollout is the best way to cover lost economic ground. As more people are able to go out and the velocity of money recovers, we can then effectively pump-prime the economy with more government spending. That’s how we can create jobs sustainably.”(JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

187

Related posts

Leave a Comment