UMAABOT sa halos P1.5 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng Parañaque City Police sa dalawang magkasunod na buy-bust operation noong Biyernes ng gabi sa lungsod na ito.
Ayon sa ulat ni Parañaque chief of police, P/Col. Robin King Sarmiento kay Southern Police District chief, P/BGen. Emmanuel B. Peralta, nag-ugat ang operasyon dahil sa impormasyon ng confidential informant tungkol sa illegal drugs activities ng isang Rowena Layton Cabellan na umano’y kilabot na tulak sa lungsod at sa kalapit na mga lugar.
Makaraan ang isang linggong validation at intelligence surveillance operation, ikinasa ang buy-bust operation na ikinaaresto ng suspek matapos bentahan ang poseur buyer ng P500 halaga ng shabu.
Apat na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng 151 gramo ng shabu na tinatayang P1,026,800 ang halaga, ang nakumpiska sa suspek na residente sa Fourth Estate Subdivision, Area 7B, Brgy. San Antonio, Parañaque City.
Samantala, dakong alas-11:30 ng gabi noong Biyernes, nagsagawa rin ng buy-bust operation ang nasabing team ng mga operatiba sa Agripina St., Brgy. Tambo, Parañaque City na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na si Jolly Acosta, isang environmental police, makaraang makumpiskahan ng 55 gramo ng umano’y shabu na P374,000 ang halaga. (DAVE MEDINA)
