WALANG makabuluhang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos niyang makapulong ang kanyang economic team, araw ng Martes.
“We looked at it and inanalyze namin paanong mangyayari and nakita natin na the effect on the economy should be manageable,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“So far there’s no significant effect on the economy,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Energy Usec Sharon Garin na base sa assessment ng economic managers, minimal lamang ang nakikitang epekto ng Middle East tension sa ekonomiya ng bansa, lalo’t mayroon na ring mga nakalatag na hakbang, at suporta ang gobyerno, upang tugunan ang oil price hike bunsod ng Iran-Israel Conflict.
“So far, base on what is happening today, so far as the conflict has subsided and the prices have gone down, parang minimal ang impact sa economy natin. I cannot give you the exact numbers, pero maliit lang talaga iyong impact that I don’t think it’s alarming for our economic managers.”
Nauna rito, bumaba kasi sa 69 dollars per barrel ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, mula sa 70 dollars na naitala kamakalawa.
Sabi ni Garin, ang pagbaba na ito ng presyo sa world market ay posibleng bunsod ng inanunsyong ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.
Aniya, kahit good news ang naitalang pagbaba na ito, nananatili ang utos ng Pangulo na siguruhing mapo-protektahan ang publiko sa impact ng oil price hike.
(CHRISTIAN DALE)
