TAHASANG itinanggi ng Armed Forces of the Philippines na naging kasapi ng hukbo ang drug personality na nadakip ng mga awtoridad kasama ng isang dating miyembro ng Baywalk Bodies, at tatlong iba pa sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang sinasabing ex-AFP officer at member daw ng Philippine Military Academy Class 1987 na si Fidel Samson Jr., alyas “Jake”.
Batay sa paunang ulat mula sa CPD District Drug Enforcement Unit, ikinasa ang operasyon laban sa target na si alyas “Jake”, 58, dating miyembro umano ng AFP bago masibak sa pwesto noong 1989 matapos masangkot sa coup de etat. Ayon kay Col. Ramon “Demi” Zagala, “Mr. Samson is not an officer of the AFP as he claimed. He is an ex-cadet reaching 2nd year prior to his dismissal from PMA. He was also not involved in the ’89 coup”. Tinatayang aabot sa P800,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng pulisya sa grupo ni Samson sa ikinasang buy-bust operation sa La Loma, Quezon City.
Kasamang inaresto ang 4 na kasamahan nito, kabilang ang isang babaeng umano’y miyembro ng dating all girls dance group na “Baywalk Bodies”.
Base sa report na isinumite ng DDEU, sa pamumuno ni P/Maj. Wennie Ann Cale, kinilala ang mga suspek na sina Fidel Samson Jr. alyas “Jake”, 58; Kathrine Santos alyas “Kat-Kat”, 34, dating miyembro ng Baywalk Bodies; Victor Ronquillo alyas “Bong”, 54; Ferdinand Parado, 52, at Lisa Cuenco, 57-anyos.
Dalawa sa mga suspek ang sugatan makaraang magtangkang tumakas sa gitna ng operasyon, nang bumangga ang kanilang sasakyan sa isa pang sasakyan.
Nakumpiska sa mga suspek ang 120 gramo ng hinihinalang shabu, isang kalibre .45 at isang 9mm na baril.
Nahaharap sa patong-patong na mga kaso gaya ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Omnibus Election Code ang mga suspek na nakipagbarilan pa sa humahabol na mga awtoridad sa tangkang pagtakas. (JESSE KABEL/JOEL AMONGO)
