EX-COP SA VIRAL ROAD RAGE ‘DI NA DAPAT HUMAWAK NG ARMAS

KINONDENA ng ilan pang senador ang dating pulis na si Wilfredo Gonzales na nanakit at nagkasa ng baril sa isang siklista sa Quezon City kamakailan.

Iginiit ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na hindi na dapat makahawak ng baril si Gonzales.

Sinabi ni dela Rosa na hindi dapat payagan na mag-armas pa si Gonzales upang hindi tularan ng iba.

Idinagdag ni dela Rosa na kung siya ang nakaharap ni Gonzales ay maaaring pinaputukan na niya ito dahil malinaw na nasa panganib ang kanyang buhay.

Iginiit naman ni Senador Jinggoy Estrada na hindi katanggap-tanggap na magpatuloy ang ganitong culture of impunity lalo na sa mga pampublikong kalsada.

Malinaw anyang isang banta sa cycling, commuting o riding public si Gonzalez.

Sa viral video, makikitang tinapik ng siklista ang sasakyan ni Gonzales dahil nasa loob ito ng bike lane at hindi makadaan ang siklista.

Biglang huminto ang sasakyan ni Gonzales dahil tila nasanggi ito ng siklista, pagbaba sa sasakyan, sinapok nito ang siklista, bumunot ng baril at ikinasa pa.

Binigyang-diin naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat turuan ng leksyon ang mga ganitong indibidwal at sampahan ng kaso.

(DANG SAMSON-GARCIA)

166

Related posts

Leave a Comment