SUGATAN ang dating mayor ng bayan ng Pagbilao, Quezon matapos barilin ng riding in tandem sa harap ng kanyang gusali sa Barangay Bukal sa nasabing bayan, Martes ng hapon.
Isang tama sa mukha ang tinamo ng biktimang si ex-mayor Romeo Portes, 73-anyos, tatay ni incumbent Pagbilao Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic.
Nakuhanan pa ng CCTV camera ng gusali ang pamamaril.
Base sa video footages, tumigil ang motorsiklo sa harap ng gusali at bumaba ang backride at naglakad palapit sa nakaupong biktima.
Nang halos isang metro na lamang ang layo, inilabas nito ang maiksing baril at dalawang beses na pinaputukan ang dating mayor saka mabilis na umangkas muli sa naghihintay na motorsiklo.
Bago umalis, pinaputukan pa ng mga suspek ang dalawang empleyado ng biktima na nagtangkang sumaklolo.
Agad isinugod sa ospital sa Lucena City ang biktima ngunit inilipat ito sa isang ospital sa Metro Manila.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mga hindi pa nakilalang suspek na kapwa nakasuot ng jacket at mask. Hindi pa rin natutukoy ang motibo sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
192 