(Ni JEDI PIA REYES)
INABSWELTO ng Sandiganbayan 6th Division si dating MRT-3 General Manager Al Vitangcol sa kasong graft kaugnay sa maanomalyang kontrata noong 2012.
Ang graft case ay may kaugnayan sa maanomalyang $1.5 million na kontrata sa MRT-3 at pangingikil umano ng $30 million sa Czech Company na Inekon Group.
Kinatigan ng anti-graft court ang demurrer to evidence na inihain ng kampo ni Vitangcol laban sa prosekusyon.
Bigo ang prosekusyon na maidiin sa kaso ang dating General Manager ng MRT-3 dahil sa kakulangan sa ebidensya.
Gayunman, nahaharap sa hiwalay na kaso ng paglabag sa Government Procurement Reform Act si Vitangcol bunsod ng pag-award nito sa PH Trams at CB and T joint venture ng maintenence contract ng MRT3 kung saan isa sa mga opisyal ng PH Trams ay tiyuhin ng kanyang asawa.
