INABSWELTO ng Sandiganbayan sa kasong perjury si dating Philippine National Police (PNP) Chief Allan Purisima.
Base sa desisyon ng 2nd Division ng Sandiganbayan, ipinunto na not guilty si Purisima sa walong bilang ng perjury na inihain laban sa kanya.
Ayon sa korte, nabigo umano ang prosekusyon na maghain ng sapat na ebidensya para patunayang guilty beyond reasonable doubt si Purisima sa kasong ibinibintang sa kanya.
Bunsod nito ay ipinag utos ng anti-graft court na ibalik ang inilagak na piyansa ng dating PNP chief gayundin ang pagpapatanggal sa kanyang hold departure order (HDO) maliban kung may iba pang kaso na nakasampa sa kanya.
Ang kasong perjury ay nag-ugat sa sinasabing hindi paghahain ni Purisima ng tamang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) noong 2006 hanggang 2009 at 2011 hanggang 2014.
Si Purisima ang dating hepe ng pambansang pulisya na nanilbihan sa ilalim ng administrasyong Aquino at kasama sa mga kinasuhan dahil na rin sa pagkasawi ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015. JG TUMBADO
