MAAARING magpatupad ang pamahalaan ng pagbabawas sa fuel excise tax kapag umabot sa itinakdang threshold ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa panayam sa New York City, sinabi ng Pangulo na plano niyang i-certify bilang urgent ang panukalang magbibigay sa kanya ng emergency powers upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ipinaliwanag ni Marcos na maaaring gamitin ang emergency powers kung ang presyo ng Dubai crude oil ay aabot sa USD80 kada bariles sa loob ng isang buwan.
“It’s very simple. When the price of oil has breached USD80 per barrel on average for a month, then the emergency powers can be exercised,” ani Marcos.
Nilinaw naman ng Pangulo na hindi awtomatikong bababa ang excise tax kapag naabot ang threshold, kundi bibigyan lamang siya ng kapangyarihang ipatupad ito kung kinakailangan.
Tiniyak din niya na sapat ang suplay ng fuel sa bansa, at may mga paparating pang shipments.
Samantala, sinabi ni Claire Castro, Palace Press Officer ng Presidential Communications Office, na wala pang galaw sa presyo ng basic commodities sa ngayon.
Hinimok din ng pamahalaan ang publiko na agad iulat sa Department of Trade and Industry at Department of Energy ang anomang hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at petrolyo.
(CHRISTIAN DALE)
67 