EXTRADITION TREATY MAGPAPATAGAL SA PAGPAPAUWI KAY ZALDY CO – SOLON

LALONG matatagalan ang pagpapauwi sa bansa kay dating Ako Bicol party-list rep. Zaldy Co kung idadaan sa extradition treaty ang kanyang pag-aresto, ayon kay Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima.

Ito ay sa gitna ng magkakasalungat na pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kaugnay ng plano ng gobyerno sa pagpapabalik kay Co, na isinasangkot sa malawakang katiwalian sa flood control projects at may umiiral nang arrest warrant.

“Negotiating an extradition treaty with Portugal just to arrest Zaldy Co takes so much effort and too much time. No sense of urgency can be implied from such an option,” giit ni De Lima.

Una nang sinabi ni Remulla na iminungkahi umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pag-apply ng extradition treaty sa Portugal upang mapauwi si Co. Kalaunan ay kumambyo ang kalihim at nilinaw na pag-aaralan pa lamang ang naturang opsyon at may iba pang paraang tinitingnan ang pamahalaan.

Ipinaliwanag ni De Lima na likas na mahaba at mabusisi ang proseso ng extradition treaty dahil kinakailangan pa itong ratipikahan ng Senado ng Pilipinas at ng katumbas na institusyon sa Portugal bago ito tuluyang maipatupad.

Dahil dito, iminungkahi ng dating Department of Justice (DOJ) secretary na deportation o repatriation na lamang ang itulak bilang mas mabilis at praktikal na opsyon.

“If this logical and uncomplicated option is not yet being explored by the DFA… then our confidence in this administration’s capacity to bring Co to justice is all the more diminished,” babala ng mambabatas.

Noong Martes ng hapon, tuluyang binawi ni Remulla ang nauna niyang pahayag at nilinaw sa phone interview ng Malacañang Press Corps na pag-aaral pa lamang ang direktiba ng Pangulo.

“The President instructed to study the possibility of applying for extradition of Zaldy Co with Portugal… but there are other avenues that we can pursue,” ani Remulla.

Kabilang sa mga tinutukoy na “avenues” ang Interpol, United Nations, at iba pang international agencies.

Aminado rin ang kalihim na kung itutulak ang isang extradition treaty, aabutin ito ng taon.

“A treaty takes years and years,” aniya, sabay-diin na mas pinagtutuunan ngayon ng pansin ang mga paraan upang maibalik si Co sa bansa nang hindi dumadaan sa treaty.

Sa huli, iginiit ni Remulla na repatriation—not extradition— ang direksyong tinatahak ng gobyerno.

“Extradition is almost impossible kasi wala tayong treaty… We will look for all possible means to repatriate Zaldy Co to the Philippines. Not extradite. Repatriate,” giit niya.

Si Zaldy Co ay pinaniniwalaang nasa Portugal sa gitna ng patuloy na pag-aresto sa mga sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro. Hinihinala ring may hawak itong Portuguese passport na nakuha umano maraming taon na ang nakalipas.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

30

Related posts

Leave a Comment