TALIWAS sa panawagan ng ilang senador, nanindigan si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na hindi pa napapanahon para sa face-to-face classes kahit sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Go na hindi dapat ikumpara ang pagbubukas ng mga sabungan sa pagbubukas ng klase.
Iginiit ng senador na hangga’t walang vaccine ay hindi muna dapat payagan ang pagbubukas ng mga paaralan.
“Hindi pa po panahon huwag n’yo pong ikumpara ang klase sa sabong. eh mga sabong sugarol po yun. Ito po mga bata po ito wala pong kamuwang-muwang po ito, pinapag-aral natin, malaki pa po ang kinabukasan ng mga batang ito,” pahayag ni Go.
“So unahin natin ang buhay ng bawat Pilipino, buhay ng bawat kabataan. No vaccine, no face to face classes muna, yan po ang aming firm stand ni Pangulong (Rodrigo) Duterte, delikado talaga,” diin pa ng senador.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na kapag nagkahawahan ang mga estudyante ay panibagong contact tracing na naman at kailangang i-trace ang mga estudyante, magulang at kung sino na naman ang nakahalubilo.
“Ang sabong na yan, bahala silang magsabong-sabong sila dahil gusto nilang magtari-tari. Pero ang mga sabungero po hindi pa po safe sa totoo lang wag muna kayong magsabong, matatari kayo dyan,” dagdag ng mambabatas.
Idinagdag pa nito na kung magkaroon ng isang kaso sa paaralan, panibagong problema at sususpendihin na naman ang klase. (DANG SAMSON-GARCIA)
