INALMAHAN ng Senior Citizens Party-list ang pagkalat ng maling impormasyon ukol sa pagkakabanggit sa tinatawag na “Cabral files” na sinasabing inilabas ni Batangas Representative Leandro Legarda-Leviste.
“Walang katotohanan ang paratang na ito!” diin ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes.
Iginiit ni Ordanes na hindi sila benepisyaryo ng malalaking proyektong binanggit sa mga dokumento na sinasabing nakuha ni Legarda-Leviste mula sa opisina ng yumaong dating Usec. Maria Catalina “Cathy” Cabral.
“Ang ikinakalat na impormasyon ay malinaw na mapanlinlang at walang sapat na batayan,” sabi pa ng vice chairman ng House Senior Citizens Committee.
Nagpahayag si Ordanes ng kahandaan na makipagtulungan sa malayang imbestigasyon sa ngalan ng pananagutan.
Ngunit, aniya ang paghahanap ng katotohanan ay hindi dapat idinadaan sa pagpapakalat ng “fake news” at pagdungis sa pangalan ng mga hindi sangkot.
Kasabay nito, hinikayat ni Ordanes ang publiko na suriin, himayin at pag-aralan mabuti ang mga nababasa na mga impormasyon.
Umaasa na lamang din ang mambabatas na hindi ginagamit ang kanilang grupo para ilihis ang tunay na isyu o gawin silang panangga ng mga tunay na may sala.
Tiniyak ni Ordanes na hindi sila maaapektuhan ng paninira at patuloy nilang isusulong ang kapakanan ng mga nakatatandang Pilipino na may integridad.
33
