NAGLABAS ng babala ang Food and Drug Administration laban sa pagbili o pagkonsumo ng ilang brand ng asukal, partikular ang SM Bonus maging sa iba ring mga produkto.
Ayon sa FDA, ito’y dahil hindi nakarehistro ang produkto ng mga ito.
Sa kanilang advisory na may petsang Oktubre 22, sinabi ng FDA na hindi rehistrado at walang certificate of product registration ang brown at refined sugar ng SM Bonus.
Gayundin ang ibang produkto na Melvan Ginger Brew With Turmeric And Lemongrass; Sweet Valley Freeze Dried Cranberry Coated With Milk Chocolate; at Lorenzo Farm Dark Chocolate.
Kaya ayon sa FDA, hindi nila matitiyak ang kalidad at kaligtasan nito.
“The FDA verified through post-marketing surveillance that the abovementioned food products are not registered and no Certificates of Product Registration (CPR) have been issued,” sinabi nito.
Dahil sa babala ng FDA, agad na inalis ng SM Markets ang kanilang mga asukal.
Pansamantala lang umano ito hanggang sa maayos ng kanilang supplier ang requirements ng FDA.
“We are pulling out SM Bonus Sugar products mentioned in the FDA circular advisory No. 2020-1927 until such time that our supplier is able to meet FDA registration requirements,” anila sa pahayag.
Wala pang pahayag ang ibang nabanggit na brands tungkol sa babala ng FDA. (CHRISTIAN DALE)
423 