Naglunsad ng TikTok video competition ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. upang ipakita ang kontribusyon nito sa pagtatayo ng mga pampublikong paaralan sa kanayunan.
Ayon kay Victor Lim, bukas sa publiko ang kompetisyon at hinihikayat ang mga kalahok na gumawa ng maiikling video na may habang isa hanggang dalawang minuto.
Ang mga video ay dapat nakatuon sa Operation Barrio Schools, pangunahing civic project ng FFCCCII na nakapagpatayo na ng mahigit 6,500 pampublikong paaralan sa kanayunan mula pa noong 1961.
“Ang Operation Barrio Schools ay patunay ng matibay na tradisyon ng pagkakawanggawa ng Filipino Chinese community sa pagpapalakas ng pampublikong edukasyon,” ani Lim.
Layunin ng kompetisyon na palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa programa at hikayatin ang kabataan na ipakita sa pamamagitan ng digital storytelling ang epekto nito sa mga komunidad sa kanayunan.
Ang FFCCCII ay binubuo ng mahigit 170 Filipino Chinese chambers of commerce sa buong bansa at patuloy na nagsusulong ng inklusibo at pangmatagalang paglago ng ekonomiya.
(JESSE RUIZ)
87 