IGINIIT ng ingat-yaman ng lungsod ng Caloocan na hindi pabaya ang pamahalaang lungsod sa pagpapasa ng financial reports kasabay ng pagpapaliwanang kung saan ginugol ang pondo ng lungsod para sa COVID-19, kasunod ng pagkwestyon ilang konsehal ng oposisyon kay Mayor Oscar Malapitan.
Sinabi ni City Treasurer Analiza Mendiola, naisumite na ang disbursement reports sa secretariat ng konseho, na isinagawa alinsunod sa transparency requirements na nakasaad sa mga ordinansa ng siyudad.
Ani Mendiola, namahagi ang Caloocan ng halos 65,000 tablets sa Grade 9-12 students at dalawang milyong food packs ang naipamahagi mula Marso hanggang sa huling buwan ng 2020.
Dagdag niya, may kabuuang P750 milyong cash aid ang ipinamahagi sa mga residente ng lungsod, mga mag-aaral ng University of Caloocan City at mga mag-aaral sa pampublikong paaralang elementarya at sekondarya.
Binigyang-diin pa ni Mendiola, mayroong siyang pinanghahawakang record na magpapatunay na ang mga ulat pinansyal ay tinanggap ng secretariat ng konseho.
Bago ito, naiulat na pinagpapasa umano si Malapitan ng ilang konsehal ng oposisyon ng ulat kada 15 araw kung paano ginastos ng pamahalaang lungsod ang P1.6 bilyong dagdag na pondo ng lungsod para sa pagtugon sa COVID-19. (ALAIN AJERO)
136
