Fire volunteer nawalan ng motorsiklo 2 SUGATAN SA SUNOG SA BASECO

DALAWA katao ang sugatan, kabilang ang isang miyembro ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, habang isang fire volunteer naman ang nawalan ng Yamaha NMax, makaraang sumiklab ang sunog sa Baseco Compound, Port Area, Manila nitong Biyernes ng umaga.

Nilalapatan ng lunas sa ospital dahil sa dinanas na 1st degree burns sa katawan si Fire Officer 1 Adrian Gabriel Jose.

Habang pinalo ng matigas na bagay at sinaksak sa likuran ang isang Elvis Tanio, 17, at nahulog mula sa bubungan.

Nawala naman ang motorsiklong N-Max ng fire volunteer na si Mar Flordeliza matapos itong i-park ng ilang minuto malapit lamang sa nasusunog na mga kabahayan.

Samantala, tatlong residente ang binitbit ng mga barangay tanod nang ireklamo ng pagnanakaw sa kasagsagan ng sunog

Base sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-8:36 ng umaga sa Block 5 Extension, Baseco Compound, Port Area na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire-out dakong alas-10:57 ng umaga.

Umabot sa 50 bahay ang nadamay at tinatayang 100 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Patuloy ang imbestigasyon ng Arson Division hinggil sa posibleng sanhi ng sunog.

Nalaman na nahirapan ang mga bumbero na apulain ang sunog dahil sa kawalan ng fire hydrant sa lugar. (RENE CRISOSTOMO)

290

Related posts

Leave a Comment