Isa ka ba sa mga naniniwalang ang fish oil supplements ay nakatutulong para maiwasan ang heart attack o stroke sa mga taong mayroong diabetes? Hindi ‘yan totoo, ayon sa pag-aaral na isinagawa upang patunayan ang pagiging epektibo ng pills na mayroong omega-3 fatty acids.
Mahigit sa 15,000 indibidwal na mayroong diabetes na walang sintomas ng anumang sakit sa puso ang sinuri ng pag-aaral sa Britain. Nakalathala ang resulta ng pag-aaral sa New England Journal of Medicine.
Kalahati sa mga partisipante ay araw-araw na binigyan ng capsule na mayroong omega-3 habang ang kalahati pa ay binigyan ng placebo pill na mayroon lamang olive oil. Walang alam ang mga partisipante kung ano ba ang kanilang iniinom sa araw-araw.
Ang mga pasyente ay sinundan at binantayan ng pitong taon.
Sa mga uminom ng fish oil pills, 8.9% ang nagkaroon ng heart attack o stroke kumpara sa 9.2% sa placebo group kung saan hindi ganoong nagkakalayo.
“Our large, long-term randomized trial shows that fish oil supplements do not reduce the risk of cardiovascular events in patients with diabetes,” ayon sa principal investigator na si Louise Bowman ng University of Oxford.
“This is a disappointing finding, but it is in line with previous randomized trials in other types of patient at increased risk of cardiovascular events which also showed no benefit of fish oil supplements.”
Bilang konklusyon, sinabi ni Bowman na, “there is no justification for recommending fish oil supplements to protect against cardiovascular events.”
Noon, isang analysis ng 10 pag-aaral na kinabibilangan ng 78,000 indibidwal ang nagsabi rin na ang mga fish oil pill ay hindi talaga nakatutulong para mapigilan ang heart disease. Nakalathala ang resulta ng pag-aaral na ito sa the Journal of the American Medical Association (JAMA) Cardiology.
