ABALANG-abala ngayon ang isang kongresista sa pag-areglo ng isang ibinasurang kontrata sa Department of Education (DepEd) kaugnay ng paglilimbag ng learning modules na gagamitin ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa ikatlong bahagi ng school year 2021-2022.
Bakit nga naman ‘di niya pagtutuunan ng oras at atensyon ang nasabing kontrata kung ang kapalit naman nito’y malaking perang pwede niyang gamitin bilang pondo sa pangangampanya sa hangarin niyang maging senador – o ‘di naman kaya’y isubi na lamang yaman din lang batid niyang malabo pa sa tsaa ang posibilidad na makalusot siya sa karera ng mga sikat at may pera.
Partikular niyang ginagapang ang P1.1-bilyong kontratang nasungkit ng isang DepEd contractor na itago natin sa pangalang Palaboy.
Ang siste, una nang iginawad kay Palaboy ang nasabing kontrata sa pag-aakala ng kagawarang kwalipikado ang nasabing kontratistang nagsumite pala ng mga palsipikadong dokumentong patunay umano na siya’y pasok sa panuntunang itinakda ng gobyerno.
Nang mabuko ng departamento, agad na pinawalang-bisa ang kontratang iginawad kay Palaboy – bagay na hindi sinukuan ng kontratistang piniling humingi ng saklolo sa kapatirang kanyang kinabibilangan.
Dito na pumasok ang kongresistang natakam sa alok na pondong pangampanya kung magagawa nitong baliktarin ang pasya ng DepEd kaugnay ng diskwalipikasyon ni Palaboy sa bilyong pisong kontrata.
Sa aking pangungumusta sa taong nagbisto sa bulilyaso ni Palaboy, napag-alamang 20% ang alok ni Palaboy sa nasabing kongresistang isa rin palang miyembro ng kapatiran – ‘yan ay kung magagawa ng hapit na kongresistang kumbinsihin si Education Secretary Leonor Briones na ibalik sa kanya ang tubong-lugaw na kontratang magpahanggang ngayon ay nakabinbin pa.
Una nang binawi ng DepEd ang kontrata ni Palaboy makaraang mapatunayang dinaya lamang ng kontratista ang kanyang net financial contracting capacity (NFCC) kung saan lumalabas na siya’y kwalipikadong lumahok sa kontratang 20 ulit na mas malaki kaysa kanyang aktuwal na financial status.
Hindi naman puwedeng balewalain ang pagtatapat ng ating ‘whistleblower’ lalo pa’t siya mismo ang kinasangkapan ng nasabing kontratista para palusutin ang dispalinghadong dokumento na karaniwang ginagawa lamang sa Recto Avenue sa Maynila noong mga nakalipas na panahon.
Marahil sa sobrang excitement, nakalimutan niyang may nauna na pala siyang isinumiteng dokumento bago pa man isinagawa ang bidding para sa P1.1-billion contract.
Nakasaad sa tunay niyang NFCC na isinumite ni Palaboy sa nasabing departamento na puwede lang siyang lumahok sa bidding para sa mga proyektong nagkakahalaga ng P100 milyon pababa – at hindi sa isang kontratang 11 ulit na mas mataas tulad nitong nais niyang kornerin sa kagawaran ni Briones.
Bukod doon, lumalabas na matagal na panahon na pala niyang nilalansi ang DepEd gamit ang kompanyang rehistradong “gift shop.”
Anu’t ano pa man, hindi dapat makalusot ang hayagang panloloko sa gobyerno.
Hindi rin angkop na kumita pa ang kongresistang kilala sa katiwalian maski noong araw pa.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
210 