LUMITAW ang isa na namang kumpanya na nakakopo umano ng maraming proyekto sa flood control projects sa bansa.
Inaasahang mapapabilang sa mga bubusisiin ng Senado sa pagpapatuloy na imbestigasyon ang mga nakuhang proyekto ng Brentmin Roofing Enterprise.
Batay sa datos mula 2022 hanggang 2024, nakakuha ang Brentmin Roofing ng 22 proyekto na umabot sa halagang P1.1 bilyon, bukod sa mga naunang proyekto nito mula pa noong 2021 pababa.
Bukod sa flood control, sinasabing nakapasa rin ito sa ibang government projects tulad ng farm-to-market roads.
Ayon pa sa ulat, hindi naiulat ng DPWH Camarines Norte ang naturang kumpanya sa tanggapan ng Pangulo, kaya may mga nagdududa na may koneksyon ito sa ilang opisyal upang mapagtakpan ang impormasyon.
Magugunitang isa ang Bicol sa mga lugar na dinaanan ng malalakas na bagyo at nagkaroon ng mga pagbaha.
Inaasahang sisilipin din ng Independent Commission for Infrastructure, ang lahat ng proyekto ng kumpanya. Sa oras na makumpleto ang imbestigasyon at makalap ang ebidensya, maaari itong sampahan ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman.
Susuriin din ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang malalaking bank transaction nito bilang bahagi ng imbestigasyon.
121
