Kasunod ng pananakit sa Pinoy fishers NAVY PINARERESBAK NA SA WPS

NANAWAGAN si Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na panahon na para aktibong umeksena ang Philippine Navy (PN) sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng umano’y pag-atake ng China Coast Guard (CCG) sa mga Pilipinong mangingisda sa Escoda Shoal.

Ayon kay De Lima, hindi na lamang Philippine Coast Guard (PCG) ang tinatarget ng China kundi maging ang mga sibilyang mangingisda sa loob mismo ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

“China is now after our civilian fisherfolk. This is all happening within our own EEZ. It is high time our Navy start defending innocent Filipino civilians inside our own EEZ and expel the Chinese pirates,” pahayag ni De Lima.

Batay sa ulat, gumamit umano ang CCG ng high-pressure water cannon laban sa mga bangka ng mga mangingisdang Pilipino noong Disyembre 12, 2025. Dahil dito, nasira ang isang bangka at nasugatan ang tatlong mangingisda.

Iginiit ni De Lima na hindi dapat palampasin ng pamahalaan ang insidente at kailangan umanong kumilos ang PN upang protektahan ang mga kababayan at ipagtanggol ang soberanya ng bansa.

“Nakababahala na tinatarget na ng China Coast Guard ang mismong mga bangka ng ating mga mangingisda, at posibleng gawin nila ito ulit. Hindi ito maaaring balewalain,” dagdag pa niya.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang grupong Young Guns sa Kamara sa naturang insidente at umapela sa international community na panagutin ang China sa mga aksyon nito sa teritoryo ng Pilipinas.

“Such provocative actions by the China Coast Guard violate international law, including the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) and the 2016 Arbitral Award, which unequivocally affirm the Philippines’ sovereign rights in the West Philippine Sea. These incidents undermine regional peace and stability and cannot be tolerated,” ayon sa pahayag ng Young Guns.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang panig ng China kaugnay ng naturang insidente.

(BERNARD TAGUINOD)

98

Related posts

Leave a Comment