NILINAW ng Malakanyang na walang direktiba mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-redo o ulitin ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ito ay kasunod ng ulat na sinadyang magsumite umano si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manny Bonoan ng maling grid coordinates ng mga flood control project sa Pangulo.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi totoo ang naturang alegasyon at ang kailangan lamang ay itama ang mga naging pagkukulang sa proseso ng imbestigasyon.
“Wala pong ganyan. Kailangan lang po talagang maitama kung ano po ang nangyaring pag-iimbestiga ngayon. Ang sabi naman po ng DPWH, bago sila magsampa, tinitingnan po nila nang maigi. Kung may pagkakamali, hindi naman po nila ito agad sinasampa,” ani Castro.
Dagdag pa niya, ang usapin ay nasa hurisdiksyon ng DPWH at nasa kamay ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagpapasya kung may kailangang amyendahan o itama.
“So it’s up to Sec. Vince to make amendments, to correct everything so the real culprits will be held liable,” ayon kay Castro.
Batay sa ulat ng Department of Justice (DOJ), 14 lamang sa 421 flood control projects na paunang tinukoy bilang “ghost projects” ang napatunayang non-existent.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa flood control projects, sinabi ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida na naihain na sa Sandiganbayan ang mga kaso kaugnay ng ilan sa mga kumpirmadong ghost projects, kabilang ang dalawa mula sa 14 na proyekto.
Samantala, ang natitirang 12 proyekto—na iniuugnay sa SYMS Construction Trading at Waowao Construction Trading—ay nananatiling sumasailalim sa preliminary investigation ng DOJ.
(CHRISTIAN DALE)
65
