NAIS pang palawakin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang food stamp program nito matapos maging matagumpay ang isinagawang paglulunsad ng programa para sa mahihirap na mga pamilya sa bansa.
Sa isinagawang pagbisita ni DSWD Sec. Rex Gatchalian sa Food Redemption area sa Tondo, Maynila, sinabi nito na ngayong taon ay magdaragdag sila ng bilang ng mga pamilya na isasailalim sa programa.
Aniya, bukod sa naunang 300,000 na bilang ng pamilya, maisasama rin sa walang gutom program ang dagdag na 300,000 sa third o fourth quarter ng taon.
Bukod dito, isasama na rin ang nasa 150,000 pamilya sa susunod na taon para makumpleto ang target na 750,000 pamilya sa ilalim ng programa.
Nabatid na ang pahayag ng DSWD hinggil sa tagumpay ng programa ay base sa lumabas na resulta ng SWS survey na epektibo ito kaya’t nais palawakin.
Sinabi pa ng kalihim, nasa 900 retailers ang kanilang nakatuwang sa programa para makapag-avail ang beneficiaries ng masusustansyang mga pagkain.
(JOCELYN DOMENDEN)
