RAPIDO ni PATRICK TULFO
KAMAKAILAN lang ay bumulusok ang halaga ng piso sa halos P60 kada dolyar.
Ito ay dahil sa kawalan ng mga dayuhang investor na magnenegosyo sa ating bansa gawa ng kaliwa’t kanang isyu ng korupsyon.
Sa panayam ng Rapido kay Butch Guerrero, governor ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), at director ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) for Labor and Employment, ang kabagalan sa paglakas ng ekonomiya ay senyales ng kawalan ng kumpyansa ng foreign investors na maglagay ng pondo sa bansa.
Natatakot umano ang investors na maglagay ng pera sa bansa dahil sa takot na kurakutin lamang ng mga gahamang politiko.
Mas pinipili umano ng mga investor na maglagay ng pera sa Vietnam at Thailand na namamayagpag ngayon ang ekonomiya. Tunay na napag-iwanan na ang bansa.
Sa nangyaring exposé sa katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno, marapat lang na pabilisin ang imbestigasyon at ipakita sa taumbayan na mayroong mananagot. Hindi titigil ang mga tao hangga’t walang nakikitang resulta sa nabunyag na korupsyon.
Hindi lang mga kababayang Filipino ang nakabantay sa kahihinatnan ng malalang isyu ng korapsyon sa bansa, maging ang buong mundo ay nagmamasid kung saan papunta ang imbestigasyon. Ang problema ay nasa itaas ang mga dapat imbestigahan. Sino ang dapat mag-imbestiga kung ang iimbestigahan ay ang pangulo, pangalawang pangulo, mga senador at kongresista at mga dating nakaupo sa pwesto?
116
