MULING nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko na bawal pa ring pumasok sa bansa ang foreign tourists sa kabila ng pag-alis ng ilang travel restrictions na naging epektibo noong Sabado.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente, ang mga dayuhang may valid at existing visa ang pinapayagang makapasok sa bansa.
“Foreign tourists are still prohibited from entering the country and said restriction remains effective until it is lifted by the IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases),” ani Morente.
Ipinaliwanag pa niya, ang bansa ay bumalik lamang sa implementasyon ng travel international guidelines na umiiral na bago pa ang Marso 22 nang muling ipinatupad ng gobyerno ang ban sa pagpasok ng lahat ng mga dayuhan dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
“The recent easing of travel restrictions applies only to those aliens who were allowed to come here before March 22 and they should have valid and existing visas at the time of their arrival in our ports of entry,” dagdag ng BI chief.
Matatandaan, ang BI ay nauna nang inanunsyo na simula sa Mayo 1, ang mga dayuhan na may kasalukuyang immigrant at non-immigrant visas ay maaari muling makapasok sa bansa.
Hindi kasama sa visa requirement ang foreign spouse at mga anak ng balikbayans o returning Filipinos at former Filipinos.
Ang mga dayuhan naman na may valid at existing Special Resident and Retirees Visa (SRRV) o Section 9 (a) temporary visitors’ visas ay maaari na ring makapasok sa bansa, basta magpakita lamang ng kanilang entry exemption document mula sa Department of Foreign Affairs sa kanilang pagdating.
Bukod sa foreign diplomats at mga miyembro ng international organizations, lahat ng foreign travelers ay kailangan magpakita ng pre-booked accommodation para sa pitong gabi sa isang accredited quarantine hotel o pasilidad na kung saan ay isasailalim sila sa COVID-19 test sa ika-6 na araw mula sa petsa ng kanilang pagdating sa bansa.
Nilinaw rin ng BI bilang pagsunod sa IATF, ang travelers na mula sa India o may travel history sa India sa loob ng nakalipas na 14-araw ay bawal pumasok sa bansa hanggang Mayo 14. (JOEL O. AMONGO)
137
