FOUNDER NG INVESTMENT SCAM SA DAVAO, CEBU TIMBOG

NASAKOTE ng mga pulis ang isa sa dalawang “founders” ng isang kumpanyang nanghuthot umano ng napakaraming pera mula sa maraming pangkaraniwang taong nag-invest dito, noong Linggo sa Lapu-Lapu City.

Si Katherine Posas Liao ay dinakip at ikinulong batay sa limang arrest warrant hinggil sa mga kasong syndicate estafa. Batay sa batas, walang piyansa ang estafa.

Si Liao ng Organiko Agri-Business, ay inireklamo ng mga investor mula Davao Region at Cebu na umano’y kanyang naloko.

Ang inaasahang nilang malaking kita mula sa perang inilagak nila sa Organiko ay hindi nila nakuha at ang kanilang puhunan ay hindi naibalik sa kanila.

Ayon sa rekord, noong 2018, nag-isyu ng “Cease and Desist Order” ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Organiko Agri-Business dahil ang business model nito ay kuwestyonable at hindi paborable sa mga pangkaraniwang tao na nag-invest ng pera upang kumita.

Ngunit nagpatuloy ang negosyo hanggang mayroong mga taong naghain ng kaso laban kay Liao.

Hindi binanggit ang pangalan ng co-founder ni Liao.

Ayon sa SEC, maraming investment firm ang naghuthot lamang ng pera ng mga taong naghirap para rito. (NELSON S. BADILLA)

299

Related posts

Leave a Comment