FREE DIALYSIS TREATMENT, BIGAS KALOOB NG MALOLOS LGU

PORMAL na pinasinayahan ng Pamahalang Lungsod ng Malolos at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Regional Officer III ang kauna-unahang Hemodialysis Center sa nasabing lungsod noong Setyembre 16, 2025.

Pinangunahan ni City Mayor Christian Natividad kasama sina Arlan Granali, Acting Branch Manager NG PhilHealth Region 3 Office, at Philip Lim, President and CEO ng Premier 101 Healthcare Management, ang nasabing pagpapasinaya ng 2-storey Malolos City Hemodialysis Center facility.

Mayroon itong kapasidad na 36 Japan made unit ng dialysis machines na kayang mag-cater ng nasa 100 pasyente araw-araw o hanggang 2,800 kada buwan kung saan makatatanggap din sila ng isang kaban ng bigas kada buwan.

Tiniyak ng PhilHealth R3 na walang babayaran ang mga pasyenteng magpapa-dialysis sa bagong pasinayang pasildad na matatagpuan sa kabayanan ng Lungsod ng Malolos, Bulacan.

Ayon kay Granali, bahagi ito ng mas pinalawak na benepisyo ng PhilHealth bilang resulta ng pagpapatupad sa 11223 o ang Universal Health Care Act at kinakailangang ang pasyente ay miyembro ng PhilHealth.

Ayon kay Mayor Natividad, ang pasilidad na ito ay naitayo sa pamamagitan ng sistemang Public-Private Partnership (PPP) at ipinatayo ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang istraktura sa lupa na pag-aari nito, habang ang pribadong konsesyonaryo na Premier 101 ang namuhunan sa Japanese-made na Dialysis machines.

“Ang treatment na ito ay alay ng City Government of Malolos hindi lamang sa mga Maloleño kundi para sa bawat pasyenteng nangangailangan nito at walang babayaran o hidden charges. Ito po ay libre gayundin ang mga gamot na gagamitin ng bawat pasyente,” wika ni Natividad

Nabatid na ito ang pinakamalaking pasilidad sa Bulacan at mayroon din sa bayan San Miguel, San Rafael at sa Lungsod ng Baliwag.

Ayon kay Lim, ang lalawigan ng Bulacan ang kauna-unahang Hemodialysis Center ng Premier 101 sa Central Luzon at nakatakdang magkaroon din sa lalawigan ng Tarlac.

Bukod sa Bulacan, mayroon din silang hemodialysis center katuwang ang LGU ng Pasig City, Valenzuela City at Parañaque City.

(ELOISA SILVERIO)

35

Related posts

Leave a Comment