IPINAGMAMALAKI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nasa 94.42 percent efficient na ang bagong Unified 911 emergency hotlines sa unang araw ng paglulunsad noong ika-11 ng Setyembre 2025.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, malaking hakbang ito tungo sa modernisasyon ng emergency response system sa Pilipinas.
Sa inilabas na estadistika ng kagawaran, may kabuuang 60,323 emergency call ang naitalang tawag at nasa 57,786 ang matagumpay na nirespondehan, habang 3,537 ang tinukoy na test, abandoned, o prank calls.
Sinasabing malaki ang agwat nito kung ikukumpara sa naging tala noong 2024, kung saan 48.33% lang ng mga tawag ang nahawakan.
Noong unang bahagi ng 2025, umakyat ito sa 70.71%, hanggang sa makamit ang kasalukuyang antas sa ilalim ng Unified 911 system.
Nagbanta naman si Sec. Remulla laban sa mga gumagawa ng prank calls, na maaaring isailalim sa last priority ang kanilang mga numero o posibleng maharap sa kaukulang kaso.
Nagpapatupad na rin ang DILG ng verification protocols para matiyak na walang totoong emergency na hindi marerespondehan, kabilang ang follow-up mula sa pulisya o barangay officials.
Samantala, may sistema na rin umano ang PNP para ma-trace naman ang mga numero ng prank calls at kilalanin ang mga ito.
(JESSE RUIZ)
