FREE SWAB TEST SA MALABON, NAVOTAS PATULOY

PATULOY ang isinasagawang libreng mass swabbing sa mga lungsod ng Malabon at Navotas sa gitna ng pinangangambahang paglobo ng bilang ng mga magpopositibo sa COVID-19 sa ikalawa at ikatlong linggo ng Enero matapos ang mga kasiyahan noong kapaskuhan.

Pangungunahan ng City Health Department, Ospital ng Malabon (OSMAL), Bases Conversion and Development Authority, Department of Health, Philippine National Red Cross at Philippine Coast Guard ang libreng swabbing sa Malabon City.

Ayon kay OSMAL Chief Nurse Matt Torrefiel, mahigit 10 % na ng populasyon ng Malabon ang kanilang na-swab simula noong Agosto 2020.

Ang mga nagnanais na magpa-swab ay dapat makipag-ugnayan sa Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) at barangay health centers.

Isa ang Malabon sa apat na lungsod sa buong Metro Manila na nagbibigay ng libreng mass swabbing. Kasama rito ang Mandaluyong, San Juan at ang karatig-lungsod ng Navotas na patuloy rin ang libreng swab testing sa Navotas Sports Complex.

Ang mga gustong magpa-test ay dapat magpalista sa kani-kanilang barangay.

Para naman sa mga kompanya, dapat makipag-ugnayan sa City Business Permits and Licensing Office.

Muling ipinaalala ng pamahalaang lungsod ang kahalagahan ng testing para malaman agad kung sino ang mga dinapuan ng nasabing sakit, maaga silang mabigyan ng atensyong medikal at maiwasang dumami pa ang mahawaan nito. (ALAIN AJERO)

106

Related posts

Leave a Comment