AYAN na naman tayo eh. Hindi na tayo natuto sa ating karanasan na sa takot nyo na masaktan ang damdamin ng China ay nagdadalawang isip kayo na i-ban ang mga biyahero galing China dahil sa bagong variant ng COVID-19.
Habang tinitipa ko ito, ayaw pang isama ng gobyerno ang bansang China sa travel ban pero ang mga bansang hindi nila kakampi ay mabilis pa sa alas-kuwatro ang ipinatupad na travel ban dahil may naitalang bagong variant ng COVID-19.
Mismong ang China na ang nagsabi na nakapasok na sa kanilang bansa ang bagong variant nang magpositibo ang isang estudyante na galing sa United Kingdom na bumalik sa kanila bansa.
Pero ayaw niyong isama ang China sa travel ban. Parang takot na takot kayo sa China na hindi ko maintindihan kung bakit? Ano ba ang balang hawak ng China laban sa inyo kaya ayaw na ayaw nyong masaktan ang kanilang damdamin.
Noong unang pumutok ang balita na laganap na sa Wuhan, China ang COVID-19 ay hindi kayo nagpatupad agad ng travel ban dahil sa pulitikal na usapin at ayaw niyong masagi ang ego ng Communist Country na ito.
Ayan, nakapasok tuloy ang COVID-19 dahil ang unang kasong naitala nyo ay isang Chinese national na galing sa Wuhan dahil ayaw o hindi agad kayo nagpatupad ng travel ban.
Ngayon, may bagong variant na ng COVID-19 sa China na ang sabi ng mga eksperto ay mabilis na kumalat at makahawa pero ayaw niyo pa rin silang isama sa travel ban? Agad kayong nagpatupad ng travel ban mula sa iba’t ibang bansa pero exempted ulit ang China? Bakit? Ano ba talaga meron sa China na ayaw na ayaw niyong masaktan sila?
Sa ginagawa nyo, para niyong isinasakripisyo ang kalusugan at kapakanan ng sambayanang Filipino huwag lang masaktan ang ego ng bansang ito. Mas mahalaga sa inyo ang relasyon nyo sa China kesa sa mamamayan, ganun ba?
Nagdududa tuloy kaming mga Filipino sa mga inaasta nyo. Na para bang meron kayong itinatago na hindi namin alam at kapag nasaktan niyo ang ego nila ay sasabog sa mukha nyo!.
Kung talagang kaibigan ang turing sa inyo ng China, mauunawaan nila kung magpatupad man kayo ng travel ban sa mga biyahero mula sa kanilang bansa pero parang one-sided lang ang relasyon nyo eh. Pabor lang lagi sa China.
Masyado ba tayong nagpapadikta talaga sa China kaya kahit anong gawin nila sa ating bansa ay tatahimik na lang kayo na ang nagsasakripisyo ay ang sambayanang Filipino.
Ang totoong lider ng isang bansa ay ang kapakanan ng kanyang mamamayan ang inuuna at hindi ang interes ng isang bansa lalo na ang China na kilala sa pambu-bully sa mga Filipino sa sariling bansa tulad ng ginagawa nila sa ating mga kababayang mangingisda sa West Philippine Sea.
Hindi namin nararamdaman na ang interes ng mga Filipino ang inuuna nyo pagdating sa relasyon nyo sa China. Hindi namin nararamdaman na ipinagtatanggol niyo ang mga Filipino sa pambu-bully ng bansang ito.
Ramdam na ramdam din namin ang pagkiling nyo sa China sa usapin ng bakuna laban sa COVID-19 dahil parang mas gusto nyong bumili ng bakuna sa kanila na mas mahal na at 50% lang na epektibo.
Sana sa mga susunod na araw paggising nyo, maisip nyo na mas mahalaga ang Filipino kesa sa anumang relasyon meron kayo sa bansang ito na gustong maging hari sa mundo.
