PILIPINAS na at hindi na China ang nangunguna sa Asya na may pinakamaraming positibong kaso ng COVID-19. Pagpasok ng Agosto, lampas 90,000 na ang bilang ng mga nahawaang Pilipino, at pumalo pa sa record na halos 5,000 ang naitala sa isang araw lang. Sigaw ng medical community, awat na, time-out muna, kailangan naman daw nila magpahinga, kaya’t nananawagan sila na ilagay muli ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ), nang makabawi pansamantala sa walang tigil na pagdami ng mga pasyente dahil sa COVID-19.
Kritikal na ang lagay ng healthcare system sa bansa, pero alalahanin naman ng ibang trade groups, at ilang politiko, malaki naman ang epekto sa ekonomiya kung muling isasara ang malalaking mga negosyo at mawawalan muli ng pagkakakitaan ang mga manggagawa. Matapos kasi ang pinakamahabang lockdown sa mundo, milyun-milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho.
Importanteng mabalanse ang bawat panig sa magiging desisyon ng Presidente at ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa sitwasyong ito.
Hindi natin alam kung gaano katagal ang pandemya kaya dapat pangmatagalang solusyon ang pinagtutuunan ng pansin upang hindi tayo nahaharap sa sitwasyon na kailangan pumili kung ekonomiya o kaligtasan ng medical frontliners ang uunahin.
Ang pinaka-una dapat sa listahan ay ang pagpapa-igting ng mga programang makakapagpabuti sa healthcare system para sa lahat, bagay na ayon sa adminstrasyon ay tuluy-tuloy ang implementasyon. Sa ika-limang State of the Nation Address (SONA), iginiit ito ni President Duterte at tiniyak na hindi tayo papatalo sa pandemya ng coronavirus. Pinuri ng presidente ang Universal Health Care Law, partikular na ang Malasakit Centers Act na aniya ay naging kasangkapan sa pagpapanatili ng kalusugan ngayong nahaharap tayo sa pandemya.
Bukod dito, ang panukalang One Hospital Command ng Department of Health na inaasahang magbibigay ng mas epektibong sistema sa pamamahala ng pagtanggap ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19. Layunin umano ng programang ito na mas mapabuti ang ugnayan ng mga pampubliko at pribadong ospital at health centers sa pagtanggap at pag-refer ng mga pasyente.
Mas dadagdagan din ang kapasidad ng mga ospital para sa COVID-19 cases lalo na sa mga pampublikong ospital hindi lang sa NCR kundi sa ibang rehiyon sa bansa, para makatulong sa duma raming kaso. Kung maisasaayos ang implementasyon nito, makatutulong ang bagong sistema sa pangmatagalan kahit wala nang epidemya.
Nabigyan din ng mas malawak na responsibilidad ang local government units o LGUs para makontrol ang pagtaas ng kaso sa kani-kanilang lungsod. Ang sagot ng mga lider sa pandemya ng
COVID-19 ang sukatan kung gaano sila ka-epektibo, at makikita ng constituents ito, na magiging basehan sa mga susunod na halalan.
Naipasa na rin ang pangalawang Bayanihan Heal as One Act kung saan nakapaloob na Php 140 billion ang nakalaan para bigyang pondo ang gobyerno na magpatupad ng mga programa para
makabangon sa pandemya. Php 10 billion umano sa halagang ito ay nakatabi para sa pag-procure ng testing equipment, extraction kit at iba pang mga medical supplies, at para mapalawak pa ng DOH ang kapasidad nito para makontrol at tuluyang masugpo ang COVID-19.
Tuluy-tuloy rin ang pribadong sektor sa pagtulong sa gobyerno para mabigyan ng nararapat na ayuda ang mga na-apektuhan, kabilang na ang nagka-sakit at nawalan ng pangkabuhayan. Isa na nga dito ang grupo ng mga ospital at mga kumpanya na pinamamahalaan ng negosyante at Chairman ng MVP group na si Manuel V. Pangilinan.
Bukod sa pagtataas ng kapasidad ng mga ospital nito para sa COVID-19 patients, tuluy-tuloy pa rin ang mga programa ng ibang k umpanya nito para lubos na maka-alalay sa frontliners sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga testing kits, PPEs at medical equipment, pagtulong sa pagpapatayo at pagpapa-ilaw sa mga dagdag na treatment at quarantine centers. Kabilang ang grupo ng kumpanya ni MVP sa mga negosyo na piniling isantabi muna ang kita para makatulong sa iba. Mas malalim na pagkakaisa sa pagitan ng gobyerno at private sector ang isa rin sa mga solusyon sa pandemya.
Higit sa lahat, ang pinaka-epektibong pangmatagalan na solusyon ay nakasalalay sa mga mamamayan mismo. Tuluy-tuloy ang komunikasyon ng DOH ukol sa tamang mga paraan para makaiwas sa sakit, kabilang na ang paghuhugas ng kamay, social distancing, pagsusuot ng protective equipment gaya ng masks at face shields, at pamamalagi sa bahay.
Sumunod tayo sa mga protocols na ito at matutulungan natin, kahit sa simpleng paraan ang medical community at ang gobyerno para malampasan natin ang mga pagsubok na dulot ng pandemya.
180