ISANG lalaking wanted sa kasong rape ang nadakip ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo sa inilunsad na law enforcement operation sa Brgy. Cambanac, munisipalidad ng Baclayon, lalawigan ng Bohol.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni P/Brig. Gen. Estomo, kinilala ang arestado na si Jefferson Borja Arosa, suspek sa panggagahasa sa kanyang pamangkin.
Armado ng arrest warrant na inisyu ni Hon. Leo Moises Lison, presiding judge ng RTC Branch 3, 7th Judicial Region, Tagbilaran City, Bohol, isinagawa ang paghuli sa suspek, sa pangunguna ni P/Cpl. Jayson Jamoner ng Visayas Field Unit, na pinamumunuan ni P/Col. Salvador T. Alacyang, sa tulong ang Baclayon MPS.
Ayon kay PNP-AKG spokesman, P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, base sa court record, paulit-ulit umanong hinalay ni Arosa ang kanyang 12-anyos na pamangkin sa loob ng bahay ng biktima sa Brgy. Nahawan, Clarin, Bohol.
Agad nagtago ang suspek nang malaman nitong naghain ng reklamo laban sa kanya sa pulisya ang pamilya ng biktima.
Bunsod ng “stringent intelligence-driven efforts” ng PNP-AKG at sa tulong ng komunidad ay natunton ang pinagtataguan ng suspek.
“What is considered impossible is an opinion. What is possible is a decision,” ani Lt. Col. Lumactod makaraang isa na namang wanted person ang kanilang naalis sa lipunan at kasalukuyang nakadetine na sa Baclayon MPS. (JESSE KABEL)
