INATASAN ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang Manila Police District (MPD) na tiyakin ang maximum police visibility sa mga commercial at pampublikong lugar ng lungsod habang papalapit ang holiday season, binanggit ang pangangailangan sa inaasahang pagtaas ng mga insidente ng krimen sa huling quarter ng taon.
Sa isinagawang Manila Peace and Order Council 4th Quarter Meeting nitong Huwebes, Oktubre 23, inatasan ni Domagoso ang MPD na mahigpit na sumunod sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Acting chief, Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nag-uutos ng heightened police visibility sa mga pampublikong lugar.
Sinabi ng alkalde na paiigtingin ng city government ang kanilang kampanya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa koordinasyon ng MPD, barangays at iba pang law enforcement agencies.
“Sundin natin ang utos ni Gen. Nartatez — ang pulis ay dapat nasa kalsada, nakikita, at nararamdaman ng tao,” sabi ng ama ng lungsod.
Inatasan ni Domagoso ang MPD na magpakalat ng karagdagang tauhan at magsagawa ng round-the-clock patrols sa high-density areas tulad ng Binondo, Recto, Quiapo, Ermita, Malate at sa University Belt.
Pinasisiguro ng alkalde sa MPD na ngayong papalapit na ang Pasko ay may presensya ang pulis sa kalsada, hindi lamang sa presinto kundi sa mga matataong lugar.
“Visible dapat ang pulis sa mga pangunahing lugar lalo na ngayong holiday season,” sabi ni Domagoso.
Ang direktiba ng alkalde ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng kanyang administrasyon na palakasin ang kaligtasan ng publiko, na una niyang inilarawan bilang isang pangunahing haligi ng kanyang “street-smart government” na diskarte sa ilalim ng “Make Manila Great Again” development strategy.
Sa kanyang unang 100 araw sa panunungkulan, nag-ulat ang lungsod ng 9.2% na pagtaas sa rate ng kahusayan sa solusyon sa krimen ng MPD, na itinuro ng alkalde sa pinaigting na kampanya para sa batas at kaayusan.
“Ang gusto natin, ligtas, mapayapa, at maayos ang Pasko sa Maynila. Titiyakin natin ‘yan para sa mga Batang Maynila at sa mga bumibisita sa ating lungsod,” saad pa ni Mayor Isko.
(JOCELYN DOMENDEN)
45
