GABUNDOK NA BASURA SA MAYNILA ‘DI NAHAHAKOT

BASURA-8

TILA naging siyudad ng basura na ang Lungsod ng Maynila dahil sa tambak at gabundok na basura na naipon at hindi nahahakot ng service provider sa maraming lugar nito.

Bagama’t aminado si Manila Department of Public Service (DPS) Officer-in-Charge Jonathan Garzo na nabigo ang service provider na Metro Waste Solid Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. (PhilCo), na matugunan ang nilagdaang kontrata na nagkakahalaga ng P842.7 milyon, para sa paghahakot ng basura sa Maynila, sinabi niya na sinisikap pa rin nilang makatulong sa paghahakot ng basura.

Aniya ang street sweepers ay tumutulong na sa paglilinis at maaga pa lamang ay naka-deploy na sila sa lansangan.

Bukod dito, nagpasaklolo na rin ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mapabilis ang paghahakot sa gabundok na basura sa lungsod.

Agad namang tumugon ang MMDA sa kahilingan ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Maynila at tumulong na sa paghahakot ng nagkalat na basura sa mga kalsada.

Nauna nang sinabi ng DPS na hindi nila kayang balikatin ang problema sa basura sa lungsod dahil sa kakulangan ng mga trak na panghakot kaya’t maraming lugar sa Maynila ang naipon at hindi nahahakot ang basura.

Dahil sa gabundok ng basura, ilang lugar sa Maynila ang mabilis na bumaha nitong nagdaang araw nang bumuhos ang malakas ng ulan kung saan naglutangan ang mga basura.

Nababahala ang ilang mga residente na maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit ang namamahong basura sa kanilang kalusugan.

Nag-aalala rin si incoming Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa malaking problema sa basura sa lungsod dahil baka marami ang magkasakit lalo na sa vulnerable sector tulad ng mga bata at mga lolo’t lola.

Panawagan naman ng mga residente kay outgoing Manila Mayor Honey Lacuna na bagama’t ilang araw na lang ang kanyang panunungkulan sa lungsod ay gawan ng agarang aksyon ang naturang problema.

(JOCELYN DOMENDEN)

13

Related posts

Leave a Comment