GADGETS FOR RENT SA BI JAIL?

BISTADOR Ni RUDY SIM

NEGOSYO, ito ang matagal nang maruming kalakaran sa iba’t ibang piitan sa anomang law enforcement agencies, sa tiwaling mga tauhan ng mga ito, upang ang ilang mga ilegal na kontrabando na mahigpit na ipinagbabawal ay malayang makapasok o ‘di kaya ay ginagawang “for rent” na ipinaaarkila ng lingguhan o buwanang bayad sa persons deprived of liberty upang maipagpatuloy ang kanilang ilegal na gawain.

Minsan nang napatunayan ito nang planuhin sa loob ng New Bilibid Prison ang pagpatay sa beteranong brodkaster at ­kolumnistang si Percival Mabasa o mas kilala sa pangalang Percy Lapid, sa pamamagitan ng isang tawag sa telepono mula sa middleman at sa self-confessed gunman na si Joel Escorial.

Ang detention center ng Bureau of Immigration (BI) na nasa Camp Bagong Diwa sa Taguig ay hindi masyadong napapansin ng publiko pero lingid sa kanilang kaalaman ay narito ang ilang high profile inmates na mga dayuhang naghihintay ng kanilang deportasyon at ang iba naman ay mayroong pending criminal case sa bansa.

Isang impormasyon ang ating natanggap mula sa ­ating source na ang personal gadgets umano rito ng ilang ­mayayamang PDL na nasa pag-iingat ng mga tauhan ng BI jail facility, ay ipinagagamit kapalit umano ang P20k kada linggo? Sino kaya ang ­nagbigay ng pahin­tulot? Alam kaya ito ng warden o maging siya ay kasapakat sa naturang kalokohan ng kanyang mga tauhan?

Gaano kaya katotoo na bukod sa lingguhang renta upang makagamit ng gadget ang ­ilang mayamang inmates dito, ay busog din ang tiyan ng mga ­buwayang bantay-salakay sa piitan na halos binebeybi ang isang dayuhang fugitive na nahuli ­kamakailan sa Clark, Pampanga.

Marami nang mga napaulat na kalokohan dito, isa na ang pagpapatakas sa mga inmate kapalit ang malaking halaga na isinusugal ang kanilang trabaho. Kabilang ang isang Korean national na umano’y nakatakas noon. Ang ilan sa mga kaso ng ilang nagpabaya sa kanilang tungkulin ay natanggal at mayroon namang iba na tinulugan at inilipat sa main office imbes na itapon sa kangkungan.

Bakit kaya hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa BI detention center ang ilang high profile na dapat na sanang i-deport. Mayroon kayang sabwatan sa deportation center? Magkano? Ayon sa ating source ay kahit umano nakakulong na rito ang isang fugitive ay patuloy pa ring tumatakbo ang kanyang negosyo na malapit lamang sa BI main office sa Intramuros, Manila.

Samantala, isang babaeng mataas na opisyal ng BI na itatago natin sa pangalang “Madam Inuts” ang sinasamantala umano ang kanyang kapangyarihan at kinukunsinti ang kalokohan ng kanyang bayaw na isang job order employee lamang, na minsan nang nanakit ng isang babaeng matandang sibilyan? Ang detalye sa susunod…ABANGAN!!

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

236

Related posts

Leave a Comment