(NI MAC CABREROS)
BAHAGYANG bumaba ang halaga ng piso kumpara sa dolyar, iniulat nitong Martes ng Philippine Stock Exchange.
Sumadsad sa P52:$1 level ang perang Pinoy nang matapyasan ng 27.5 centavos ang P51.765 kada dolyar noong Miyerkoles. Walang trading noong Huwebes at Biyernes dahil sa Semana Santa.
Makikinabang ang pamilya ng mga overseas Filipino workers dahil madaragdagan ang papasok sa kanilang bulsa gayundin ang kita ng mga exporters, ayon sa economic experts.
Sa kabila nito, inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mayroong kaakibat na masamang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Ayon BSP, inaasahang tataas ang presyo ng produktong petrolyo at pangunahing bilihin lalo ang mga iniaangkat sa ibang bansa dahil binili ito ng dolyar.
“Dahil sa paghina [ng piso], posibleng tumaas pa rin ang presyo ng langis. ‘Pag tumaas ang langis, dahil ito ang dugo ng ating ekonomiya, tataas naman most likely ang presyo ng mga bilihin,” susog ni analyst Astro del Castillo.
Posible ring tataas ang serbisyo gaya ng singil sa kuryente at tubig bunsod nang inutang na dolyar ng mga service providers o alinsunod sa Foreign Currency Differential Adjustment, ayon pa BSP.
“Maaari rin magbago ang singil sa serbisyo na ginagamitan ng dolyar dahil pinapayagan ang mga kompanya na mag-adjust sa kanilang singil batay sa FCDA mechanism,” paliwanag pa Del Castillo.
“Kunwari bumili siya (service provider) ng equipment, substation at nangutang sa ibang bansa ng dolyar. Dolyar din ang pambayad sa utang at interes,” paghahalimbawa naman ng ekonomistang si Prof. Vic Abola.
Nabatid na ang palitan ng piso kontra dolyar ay bahagi ng tinitimbang sa inflation rate at paggalaw sa interest rate.
226