GAGAMITING inspirasyon ng Golden State Warriors ang injury ni Kevin Durant para ipanalo ang Game 6 at maipuwersa ang Game 7 winner-take-all ng NBA Finals laban sa Toronto Raptors ngayon (Huwebes, Manila time).
Ang defending champion Golden State, nakatuon sa ikatlong sunod at ikaapat sa limang season, ay lalaro sa huling pagkakataon sa Oracle Arena para itabla sa 3-3 ang serye.
Sa susunod na season, ang Warriors ay lilipat na sa bago nitong homecourt, ang Chase Center sa San Francisco.
“We’re going to have to will ourselves for another 48 minutes to stay alive,” ani Warriors guard Stephen Curry. “And whatever it’s going to take from every single guy in our jersey.”
“I don’t know if there’s going to be a speech in the locker room, if there’s going to need to be words at all. We understand the moment and I think we can rally.”
Si Durant, 2017 at 2018 NBA Finals MVP, ay isang buwang naupo sanhi ng right calf injury. Nagbalik sa Game 5 noong Martes (Manila tme), pero, muling tumukod nang mamilipit sa sakit sanhi ng right Achilles tendon injury.
Pero, ang maikling oras na nilaro ng 30-anyos na si Durant ay naging sapat para magkaroon ng extra motivation ang kanyang teammates para ipagpatuloy ang kampanya para sa ikatlong sunod na kampeonato.
At sa Game 6, inaasahang ibubuhos ng Warriors ang lahat para makahirit ng Game 7.
“We’re going to give everything we got. We’re going to fight. We’re going to compete,” dagdag pa ni Curry.
Sa kabilang banda, muling susubukan ng Raptors na mahablot ang kanilang unang kampeonato.
Humulagpos ang tsansa ng Toronto noong Martes, nang talunin sila ng Warriors, 106-105. Angat ang Raptors sa serye, 3-2.
Muling mangunguna para sa Raptors si Kawhi Leonard.
“Come out and do the same thing. Just be mentally focused, try to limit our mistakes, and be the aggressor,” komento ni Leonard. “Just play hard 48 minutes and see what happens.”
121