GAME CHANGER SANA

KAPIT LANG Ni MATEO MAGHIRANG

MAY labing siyam (19) na buwan na lang at magtatapos na ang termino ni Pangulong ­Rodrigo Duterte. Matatandaang bago pa man siya umupo sa pwesto, ang ­naririnig natin noon na litanya ng kaniyang administrasyon ay, “the change is coming.”

Maaaring sa mahigit apat na taon na pamamalagi niya sa Malakanyang ay may mga nagbago. Pero yung totoong pagbabago na hinahangad lalo na ng karaniwang Filipino ay hindi pa nararamdaman o kaya ay natikman man lang bago mapalitan ang Pangulo sa 2022.

Gaya halimbawa ng binabanggit ni Senador Panfilo Lacson na dapat sana ay magiging ‘game-changer’ sa administrasyong ito? Pero dahil hindi siguro prayoridad kaya hindi kinayang ihabol o mapagtuunan man lang ng seryosong pansin sa aaprubahang 4.5 trillion pesos na budget ng Pilipinas ngayong papasok na bagong taon.

Ang tinutukoy ni Senador Lacson ay ang National Broadbad Program (NBP) na isinusulong ng Department of Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Secretary ­Gregorio ‘Gringo’ Honasan.

Kung pinaglaanan lang sana ng eksaktong labing walong (18) bilyong pisong pondo ang DICT na nakatalagang gugulin sa NBP, tapos na ang problema ng gobyerno sa pagkakaroon ng internet connection na sa ngayon ay iniaasa nila sa mga pribadong telecommunication firms.

“According to the Department of Information and Communications Technology (DICT), if we are able to finance the P18B ­requirement, telcos na ang magsu-subscribe sa government. Di na sila kailangan magtayo ng towers, antenna na lang kasi fiber na ito.” Ito ang pahayag ni Lacson nang ipaliwanag niya ang pag-apruba sa budget ng DICT sa Senado ilang linggo na ang nakararaan.

Ibig sabihin, kung may sapat na pondo ay lalarga na nang tuluyan ang NBP na siyang magbabaligtad sa ­kasalukuyang kalakaran. Ang gobyerno na alipin ngayon ng mahina at napakabagal na internet ng mga private telcos gaya ng PLDT, Globe, Convergence at iba pa ay ­magkakaroon na ng sariling network.

Ang National Broadband Program ang siyang blueprint ng DICT para mapalakas at ­maparami ang fiber optic cable at wireless technologies na siyang sagot upang maging maganda ang internet connection sa bansa. Makatutulong sana ito ng malaki lalo na ngayong tayo ay nasa ­tinatawag na ‘new normal’ bunga ng pandemya ng COVID-19.

Naiintindihan ng mga Senador at mga Kongresista ang kahalagahan nito kung kaya mula sa 902 milyong piso na inaprubahan ng Department of Budget and Management para sa NBP, nagkaisa silang dagdagan ito hanggang sa mungkahing 5.9 bilyong piso na isang malaking karagdagan mula sa orihinal na pondo.

Naging maganda rin ang mga paliwanag at nakumbinsing mabuti ni Secretary Honasan ang kaniyang mga dating kasamahan sa lehislatura na paglaanan ng pondo ang programa upang maka-takeoff ito nang tuluyan.

Sa pamamagitan ng NBP ayon sa pag-aaral, makakatipid ang gobyerno ng mahigit kumulang sa 34 bilyong piso mula sa internet expenses pa lamang ng mga lokal na pamahalaan. Kaya napakalaking bagay sana na maisulong ito sa panahong kasalukuyan.

Bilang isang magiting at mahusay na sundalo, siyempre susunod lang din si Honasan sa agos kung ano ang dapat na bigyang prayoridad ng pamahalaang Duterte para sa 2021.

Pero bago pa man pag-usapan ang budget sa kongreso, ­narinig na natin siyang nanawagan na sana’y bigyan ang DICT ng sapat na pondo para sa nabanggit na programa. Maaaring hindi pa panahon para kumpletong mapondohan ang NBP pero hindi pa naman huli ang lahat.

Malay natin, bago tuluyang lisanin ni Pangulong Duterte ang Malakanyang sa 2022 ay magkaroon na ito ng katuparan. Kung ang tawag ni Senador Lacson sa NBP ay isang ‘game-changer,’ maitituring naman itong isang legacy hindi lang para sa ­kasalukuyang administrasyon kundi pati na rin kay Secretary Honasan.

135

Related posts

Leave a Comment