GAMITIN NANG TAMA ANG P66 BILYON

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

MATAGAL nang hirap na hirap sa buhay ang mga manggagawang-bukid, magsasaka at mangingisda.

At lalong nabaon sila sa kahirapan simula nang isailalim sa enhanced community ­quarantine (ECQ) ang Luzon noong Marso 17 hanggang inilagay ang Luzon sa general community quarantine (GCQ) dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panahon ng lockdown, hindi nakapagtanim ang karamihan sa mga magsasaka at manggagawang-ukid.

Hindi rin nakapangisda ang napakaraming mangingisda dahil hinuhuli sila ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAP).

Umaksiyon at umalalay naman ang Department of ­Agriculture (DA), ngunit hindi ­naramdaman ng ­pinakamalaking bilang ng mga magsasaka, manggagawang-bukid at mangingisda ang biyaya ng  proyektong “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat” o ALPAS, “Kadiwa ni Ani at Kita” at iba pa.

Hindi kumilos ang ­Kongreso na pinamumunuan nina ­Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano para sa interes, ­kagalingan at kabuhayan ng sektor ng pagsasaka at pangi­ngisda mula Marso 17 hanggang ilunsad ang taunang State of the Nation ­Address (SONA) ng pangulo.

Kumilos lang ang pamunuan ng mababang kapulungan nang tumbukin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang SONA ang programang “Plant, Plant, Plant” para sa ­agrikultura ng bansa.

Ipinasa ng mababang kapulungan ang House Resolution No. 925 na magbibigay ng P66 bilyong dagdag badyet sa DA upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagkain, nutrisyon, seguridad at mababang presyo ng mga pagkain ng mamamayan sa panahong patuloy ang pagragasa ng coronavirus disease  2019 sa bansa.

Ayon sa mga may-akda ng H.R. 925, sa pangunguna ni Cayetano, ang “P66 billion a­gricultural stimulus package will help the agriculture and fisheries sector recover.”

Hiningi ko ang reaksiyon ni Rep. Argel Joseph Cabatbat ng Magsasaka party-list hinggil sa P66 bilyon.

Narito ang pahayag ni Cabatbat: “Suportado po natin ang pagbibigay ng dadag na badyet sa DA para sa “Plant, Plant, Plant” program ng ­gobyerno. Natutuwa tayo na unti-unti nang nabibigyan ng tulong at importansya ang mga magsasaka at agrikultura.”

Inihabol din ni Cabatbat na: “Sana ay isama na rin sa mga plano ng gobyerno ang pagpasa ng mga batas para sa ating magsasaka ng kopra katulad ng matagal nang isyu ng coco levy fund. At sana, mapalitan na natin ang mga batas na nagpapahirap sa mga magsasaka katulad ng Rice Tariffication Law.”

Makabuluhan ang pag­payag ng mababang ­kapulungan na maglabas ng P66 bilyon ang pamahalaan para madagdagan ang pera ng DA.

Ngunit, bilang journalist na kakampi at tagapagtanggol ng mga manggagawang-bukid, magsasaka at mangingisda, umaasa akong gagamitin ng DA na pinamumunuan ni Kalihim William Dar ang P66 bilyon nang tama.

Ang ibig sabihin ng “nang tama” ay ilaan ang buong P66 bilyon sa tinukoy na paggagamitan ng nasabing bilyun-bilyong halaga at hindi mapunta sa korap na mga opisyal at kawani ng DA.

Nabanggit ko ito dahil biglang pumasok sa isipan ko ang P1.8 bilyong halaga ng 1,811,090 bags ng patabang urea na nagwagi sa pasubasta ng DA ilang buwan na ang nakalilipas.

Ayon sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon, tumataginting na P271.66 milyon ang “overpriced” sa P1.8 bilyon.

Idiniin nila na ang dahilan kung bakit P271.66 milyon ang sobrang halaga ay dahil tinanggap ng DA ang P1,000 na ­presyo ng pataba, samantalang P800 lamang ang totoong ­presyo nito sa merkado.

Ang tanong ngayon: Saan mapupunta ang P271.66 milyong sobrang presyo sa   1,811,090 bags ng patabang urea?

Magandang masagot ‘yan sa magkahiwalay na imbestigasyon ng dalawang kapu­lungan ng Kongreso.

Ngunit, wala pa hanggang ngayong matatapos na ang ­termino ni Cayetano bilang speaker ng mababang kapulungan.

123

Related posts

Leave a Comment