HA…HA…HA… pokaragat na ‘yan!
Napakagandang posisyon na sana ang inaasahan ng kinatawan ng party-list na AAMBIS-OWA sa Kamara de Representantes ng Ika-18 Kongreso na si Representative Sharon Garin, ngunit hindi pa niya nakuha.
Hindi nahalal si Garin na maging pinuno ng makapangyarihang Ways and Means Committee ng Kamara dahil gusto ng mga kongresista na manatiling chairman ng komiteng ito si Albay Rep. Joey Salceda.
Ang pagiging chairman ng Ways and Means Committee ang puntirya ni Garin kapalit ng kanyang aktibong pagkilos, pagsuporta at pakikipaglaban upang manalo si Marinduque Representative
Lord Allan Jay Velasco sa pagiging speaker laban sa noo’y Speaker Alan Peter Cayetano.
Kaya, alam na alam ng mga kongresista na ibinoto ni Garin si Lord Velasco kaysa kay Cayetano.
Dahil hindi nakuha ni Garin ang posisyong hinangad, inalok ng liderato ng Kamara na maging isa siya sa mga deputy speaker ni Speaker Lord Allan Jay Velasco, ngunit tahasang inayawan ang nasabing posisyon.
Ayon sa impormasyong nakarating sa akin, bokya na si Garin sa mayorya ni Velasco dahil hindi na talaga magiging deputy speaker ang mambabatas na ito mula sa Iloilo, kahit maghabol at magmakaawa pa siya kay Speaker Velasco.
Naalala n’yo pa ba ang pakikipagbangga ni Garin kay Davao City Representative Paolo Duterte sa mismong pagdiriwang ng kaarawan ni Velasco sa Rizal Hotel? Dito tuluyang nasira ang pangarap na puwesto ni Garin.
Sa nasabing gabi ng kasiyahan, pabirong sinabi ni Garin kay Rep. Duterte na: “hindi ka naman bumoto kay Speaker Velasco, pero nagkaroon ka ng p’westo”.
Ang tinutukoy ni Garin ay nang mapunta kay Duterte ang chairmanship ng Accounts Committee, ang komiteng nangangasiwa sa pera nng Kamara.
Masakit sa tainga ang pahayag ni Garin dahil kahit pabiro pa ito ay patutsada ito sa hindi pagboto ni Duterte kay Velasco.
Sabi nga ng ibang kongresista, “half meant” ang biro ni Garin.
Nauwi sa komosyon ang pagbibiro ni Garin hanggang awatin sila ng ilang kogresista.
Kinabukasan, idiniin ni Duterte sa kanyang viber messages sa mga kongresista na didistansya na siya sa mayorya ni Velasco dahil pinagdudahan ang kanyang ”loyalty” sa nasabing mayorya.
At matindi, humantong ang galit niya sa bantang bibitawan niya ang pagiging pinuno ng House Accounts Committee, uulitin ko, ito ang puwestong kinuwestiyon ni Garin na napunta kay Duterte.
Sa bandang huli, si Garin ang nawalan ng posisyon.
Syempre, kahit ipamukha ni Garin na bumoto siya kay Velasco ay siguradong hindi siya kakampihan at pipiliin ni Velasco kaysa kay Polong, sapagkat si Polong ay isang Duterte.
Kaya ang resulta, itsapuwera na ngayon si Garin, kahit bahagi pa siya ng mayorya ni Velasco.
Kahit sa binuong pangkat na haharap sa Bicameral Conference Committee (Bicam) na magtatalakay at magbubusisi sa inaprubahan ng Senado na panukalang badyet para sa 2021 ay hindi kasama si Garin sa dalawampu’t isang kongresista.
Noong si Cayetano ang speaker, kasama si Garin na humarap sa mga Senador sa Bicam.
Dati kasi, solidong tagasuporta, kakampi at loyalista siya ni Cayetano.
Kaso, tumiwalag ito sa mayorya ni Cayetano.
Ang matindi ay binatikos ni Garin ang pamumuno ni Cayetano, dahilan upang tanggalin siya bilang chairman ng House Committee on Economic Affairs.
Mula noon ay dumikit na si Garin kay Velasco.
Aktibo nang dumadalo si Garin sa lahat ng mga pagtitipon ng pangkat ni Velasco.
Nangangahulugang loyalista na ni Velasco si Garin.
Kaso, binangga ni Garin si Rep. Polong Duterte, ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumuporta sa personal na laban ni Velasco kay Cayetano.
Sa nasirang plano ni Garin, hindi ko alam kung sinampal siya ng masamang karma, o ‘pinarusahan’ ni Lord dahil sa kanyang ‘pekeng loyalty’.
Kayo na po ang humusga.
Syempre, si Speaker Velasco ang tinutukoy kong lord at hindi ang Panginoong Diyos.
Ang problema ngayon ni Garin, mukhang tuluyang mauunsyami ang kanyang mas mataas na pangarap na maging senador ng Pilipinas sa 2022.
170
