NAIS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tigilan na ng mga militar at police officials kabilang ang kontrobersyal na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., ang pagbabansag sa ilang indibidwal bilang komunista o terorista nang walang kaukulang ebidensiya.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na suportado ni Pangulong Duterte ang ginawang pagpuna ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Parlade, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), matapos balaan ang mga aktres na sina Liza Soberano at Angel Locsin, at Miss Universe 2018 Catriona Gray hinggil sa diumano’y pagkakaugnay ng mga ito sa women’s rights group na sinasabing may ugnayan sa komunista.
“The President has spoken through Secretary Delfin Lorenzana when he warned both police and military authorities to be very careful in red-tagging,” ayon kay Sec. Roque.
“Ang suggestion nga ni Sec. Lorenzana is no need to publicize kung sino ang mga suspected communists just do their job without publicity,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sa ulat, nagbabala si Sec. Lorenzana na dapat ay manahimik na lang ang mga opisyal na nag-aakusa sa ilang personalidad bilang komunista o terorista nang hindi nagpapakita ng ebidensya.
Ayon kay Lorenzana, hindi na dapat sinasabi sa Facebook o sa media ang mga nasabing akusasyon at hindi rin dapat maging selective sa ganitong bagay lalo na kung walang ebidensya.
Sa pahayag ng Department of National Defense, magpapatawag si Lorenzana ng pagpupulong sa NTF-ELCAC para sa streamlining ng operasyon nito at pag-usapan ang mga napagtagumpayan ng grupo sa mga nakalipas na buwan.
Pinatatahimik din ng House leader
“He better file a case in court or shut up if he has no evidence to show.”
Ito naman ang mensahe ni House minority leader Joseph Stephen Paduano kay Lt. Gen. Parlade matapos aminin umano nito na under surveillance ang mga miyembro ng Makabayan bloc.
“He sounds like a loose cannon and his words can do more harm than good to the government’s anti-insurgency efforts,” paglalarawan pa ni Paduano kay Parlade na commander din ng Southern Luzon Command (SoLCom).
Ayon sa mambabatas na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at kinatawan ngayon ng Abang Lingkod party-list, kung mayroon sapat na ebidensya si Parlade ay huwag na itong magdadaldal at isampa na lamang ang kaso sa korte.
Miyembro ng minority bloc na pinamumunuan ni Paduano ang Makabayan bloc na kinabibilangan nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, Act party-list Rep. France Castro, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.
Inamin umano ni Parlade na bukod kay Bayan Muna chairman at dating congressman Neri Colmenares ay kabilang ang mga aktibong mambabatas na under surveillance dahil sa hinalang matataas na opisyal ang mga ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA.
Itinuturing ito ni Paduano na pag-atake sa mga lehitimong grupo sa Kongreso lalo na’t walang matibay na ebidensya aniya na naipapakita si Parlade para patunayan ang kanyang alegasyon.
Dahil umano sa kadaldalan ni Parlade, ipinapahamak din nito ang sarili dahil ilegal ang kanyang ginagawang surveillance dahil hindi ito otorisado ng korte.
Karanasan kay Gloria
Pinangangambahan din ng mga militateng mambabatas sa Kamara na maulit sa ilalim ng Duterte administration ang kanilang karanasan noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Inilutang ng nasabing grupo ang pangamba matapos aminin umano ni Gen. Parlade na ‘under surveillance” ang buong Makabayan bloc.
“This intensified attack against the whole Makabayan bloc is similar to the time of former Pres. Gloria Macapagal-Arroyo when the AFP and the PNP filed trumped up charges against the Batasan 6,” ayon sa Makabayan bloc.
Ang Batasan 6 na kinabibilangan nina dating Anakpawis party-list Rep. Crispin Beltran at Rafael Mariano, Bayan Muna party-list Reps. Joel Virador, Satur Ocampo at Teddy Casino at Gabriela party-list Rep. Liza Maza ay kinasuhan ng rebelyon noong 2006 dahil sa tangkang pagpapabagsak umano sa administrasyon ni Arroyo na naging dahilan kaya isinailalim ng pangulo sa State of National Emergency ang bansa noong Pebrero 24, 2006.
Maliban kay Beltran na nasa kustodya ng Philippine National Police (PNP), ikinulong sa Batasan Pambansa sina Ocampo, Casino, Mariano, Maza at Virador na naaresto sa Davao City at mismong si noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang nag-escort sa mga ito patungong Batasan.
Kalaunan ay ibinasura ng korte ang mga kasong isinampa sa mga nabanggit na mambabatas dahil walang matibay na ebidensya na nagsasangkot sa kanila sa kasong rebelyon.
‘Generals’ pork’
Hinala ng Makabayan bloc, lalong pinaigting ni Parlade ang kampanya laban sa kanilang grupo dahil sa ibinunyag nilang “generals pork” sa ilalim ng 2021 national budget.
“The generals sitting at the leadership of the NTF-ELCAC now are seething with rage because the generals’ pork in the NTF-ELCAC was exposed to the public and they are hitting back at our bloc for doing so,” ayon sa Makabayan bloc.
Ang tinutukoy ng mga ito na generals’ pork ay ang P19.1 billion pondo ng NTF-ELCAC para sa mga barangay na nilinis umano ng mga heneral sa puwersa ng NPA. Bukod dito, ang mga isiniwalat ng mga militanteng mambabatas na fake surrenderees ay labis umanong ikinagagalit ng mga heneral tulad ni Parlade. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
227
