TARGET ng Pilipinas na simulan ang COVID-19 vaccination sa general public sa Agosto.
“Sa August, we are targeting na ‘pag dumagsa na ang ating mga vaccine, puwede na tayong magkaroon ng general public vaccination,” ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. sa Talk To The People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Miyerkoles ng gabi.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Galvez na kumpiyansa siya na sisipa ang pagbabakuna sa general population sa huling bahagi ng Abril o sa unang bahagi ng Mayo.
Ngayon ay sinabi ni Galvez, target nilang tapusin ang mga nasa ilalim ng priority groups A1 hanggang A3 sa buwan ng Hulyo.
“Hopefully kapag mayroon na po tayong volume sa June, sisimulan na po natin ‘yong A4 at saka A5,” aniya pa rin.
“As of April 27,” nakapagtala ang Pilipinas ng 246,986 indibidwal na nabakunahan laban sa COVID-19. Sinasabing dalawang buwan simula nang ilunsad ang inoculation campaign ng pamahalaan.
Batay sa pinakahuling vaccine statistics bulletin ng Department of Health, lumalabas na 1,562,815 katao ang nakatanggap ng first dose ng Sinovac at AstraZeneca vaccines.
May kabuuang 1,809,801 doses ang naipamahagi sa 3,415 vaccination sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Iniulat din ng nasabing departamento na may 86% o 3,025,600 mula sa bilang na 3,525,600 doses na nai-deliver sa bansa ang naipamahagi sa vaccination sites. (CHRISTIAN DALE)
259
