Ni ANN ENCARNACION
NAGLANDING na ang ‘Final 13’ ng Gilas Pilipinas sa Beirut, Martes ng madaling araw para sa pakikipagsagupa nila sa Lebanon Cedars sa fourth window ng FIBA World Cup 2023 Asian Qualifier.
Kumpiyansa si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Executive Director at spokesperson Renauld “Sonny” Barrios sa tsansa ng national team, base sa nakita niya sa last practice ng Gilas bago tumulak sa Beirut.
Ibinida niya sa Philippine Sportswriter Association (PSA) online forum kahapon, palaban at malakas ang national team na sasabak laban sa fourth window.
Kwento niya, natapilok ngunit nagpatuloy sa scrimmage si Kai Sotto, habang ‘di ininda ni Chris Newsome ang pagkaipit ng kanyang daliri sa mapisikal na training ng Gilas.
Kabilang sa Gilas Pilipinas ‘Final 13’ sina Jordan Clarkson, Roosevelt Adams, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, Chris Newsome, Calvin Oftana, Bobby Ray Parks Jr., Dwight Ramos, Kiefer Ravena, Thirdy Ravena, Carl Tamayo, Scottie Thompson at Kai Sotto.
Lima sa 13 ay unang beses pa lang sasabak sa Gilas kabilang sina free agent Adams, Malonzo ng NorthPort, Newsome ng Meralco, Oftana ng NLEX at Thompson ng Ginebra.
Agosto 25 ang laro ng Gilas laban sa Lebanon. Kinabukasan (26) ay babalik sa Pilipinas ang nationals para paghandaan naman ang game kontra Saudi Arabia sa Mall of Asia Arena sa 29.
GILAS YOUTH
WAGI vs SYRIA
MASAYA si Fil-Australian Mason Amos dahil sa mismong kaarawan niya nitong Agosto 21 ay natulungan niyang manalo ang Gilas Pilipinas Youth laban sa Syria, 112-48, sa 2022 Fiba Under-18 Asian Championship sa Azadi Basketball Hall sa Tehran, Iran.
Pinasimulan ng 6–foot-7 na si Amos ang matinding atake ng Pilipinas kontra Syria at kumolekta ng kabuuang 26 puntos at apat na rebounds sa unang laban ng nationals sa U18 eliminations.
Ang 18-anyos at tubong Pampanga na si Amos ay naglalaro para sa Australian club na Southern Districts sa NBL1.
Nakatuwang niya sa panalo ng Gilas Youth sina EJ Abadam, 19 puntos, anim na rebounds at apat na assist at Seven Gagate, 19 puntos at siyam na rebounds.
Sinusulat ito ay nakatakdang harapin ng nationals ang Qatar na kagrupo nito (Group C), at Chinese Taipei sa Agosto 23.
