PINAKAKANSELA ng Ministry of Youth and Sports ng Indonesia ang nakatakdang laban ng nasabing bansa kontra Gilas Pilipinas sa Pebrero 23.
Ang laro, na bahagi ng FIBA Asia Cup 2021 qualifier, ay hiniling na kanselahin dahil pa rin sa pangamba sa coronavirus disease (COVID-19).
Una nang pinakansela ng FIBA ang laban ng Gilas at Thailand na itinakda sa Pebrero 20.
Ayon sa isang Indonesian website na kompas.com, inutos ng Indonesia Ministry of Youth and Sports na kanselahin ang FIBA Asia Cup 2021 qualifier first window game ng bansa at Pilipinas na dapat ay gaganapin sa Britama Arena sa Jakarta sa Peb. 23.
Base sa direktiba, ito ay bahagi ng “preventive measure” nila laban sa nakamamatay na COVID-19 na laganap hindi lang sa China kundi maging sa Asya at iba’t ibang parte ng mundo.
Ito ay sa kabila na wala pang napaulat na COVID-19 case sa Indonesia.
Wala pa naman opisyal na pahayag ang FIBA kaugnay sa kanselasyon ng laban ng Indonesia at Pilipinas, gaya nang ginawa nito sa laban ng Gilas kontra Thailand na sana’y gagawin sa Smart-Araneta Coliseum.
